SANGKATUTAK na kababayan natin ang gustong magpatuloy ang operasyon ng mga lehitimong “online lending company” basta lang ihihinto ng mga ito ang “shaming operation” na ginagamit ang social media, kapag pumalya sa pagbabayad ang “online borrower” nito.
Nasabi ko ito dahil matapos ang aking three-part series na “Online lenders, bagong 5-6 para sa Pinoy?” ay inulan ako ng text at tawag sa cellphone ng mga mambabasa, na nagsasabing malaking tulong ito sa kanilang pamilya o paghahanapbuhay – kaya natitiis nila kung minsan, ang mapahiya sa ilang kaibigan o kamag-anak, kapag medyo na-late sila sa pagbabayad.
Ang nakatutuwa pa rito, marami ang nagtatanong kung ano at paano magda-download ng application – yung legit lang daw – upang makapangutang din sila!
Mas mabilis daw kasi ang pagproseso ng kanilang inutang sa mga “online lender” kumpara sa mga bangko na napakaraming hinihinging dokumento bago mo malaman na – “rejected din pala ang application mo”.
Akmang-akma ang mga reaksyong ito sa ipinahayag ng respetadong political at economic analyst na si professor Alex Magno, nang maging panauhin ito sa lingguhang Balitaan sa Maynila na ginagawa sa Bean Belt Coffee sa Dapitan Street, Sampaloc Maynila.
Ikinuwento ni Prof. Alex na noong siya ay isang opisyal sa Development Bank of the Philippines (DBP) nakipag-ugnayan sa kanila ang Bangko Sentral upang magsagawa ng ‘scientific study’ sa tinatawag na pautang na 5-6 sa lugar na malapit sa mga palengke at commercial establishment sa buong kapuluan.
Ayon kay Prof Alex napag-alaman nila na napakaraming umaasa sa ganitong klase ng “financial lending” at umabot sa P7 bilyon ang perang umikot dito at “well-connected at protected” ang mga nagpapautang ng 5-6 ng malalaking sindikato, na siyang humahabol sa mga mangungutang na balasubas o tumatakbo matapos na makapangutang.
Umabot ang study sa conclusion na mahirap itong patigilin, dahil ang magdurusa rito ay ang mga maliliit na negosyante na pinauutang ng mga ito para makapaghanapbuhay.
Sa pagpasok naman ng “online lenders” tila nagkaroon na ng kumpitensiya ang 5-6 na madali ring lapitan at utangan ng mula sa halagang P3,000 hanggang P20,000 basta makumpleto lamang ang mga dokumentong kailangan na sa “online” din ipinapasa gamit ang computer o cellphone na may application nung lending company.
Isa rin sa naging bisita sa news forum ay si Atty. Arnel Mateo, legal representative ng FastCash Global Lending Inc at President / CEO ng Adm & Partners Data Privacy & Consulting Inc. Nilinaw niya na ang panghihiya na natikman umano ng ilan nilang “delinquent borrowers” ay kagagawan ng collection agency na inupahan ng FastCash, na hindi naman naging katanggap-tanggap sa kanila nang maglabasan ang mga reklamo ng panghihiya sa mga kliyente.
Ani Mateo: “Collection malpractices would not be tolerated in our company.Those who call and collect are third-party collection agencies these online lenders employ.”
Kaya upang matigil na ang mga sinasabing panghihiya ay inumpisahan na ng FastCash ang pag-aalis sa mga collection agency upang sila na mismong mga empleyado ang mangangasiwa sa paniningil para mapangalagaan ang privacy ng mga borrower.
Idiniin naman ni Prof Alex sa lahat ng mga borrower: “Panatiliin lamang natin ang culture of trust upang makinabang ang lahat sa sistema ng pangungutang!”
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.