ANG napipintong matinding baliktaktakan sa bicameral conference meeting kaugnay ng P4.1 trillion General Appropriations Bill (GAB) o national budget para sa 2020 ay marapat lamang sabayan ng media coverage. Ibig sabihin, dapat masaksihan ng mga mamamahayag ang inaasahang ‘bloody debate’ ng Senado at Kamara upang matiyak na walang dapat itago sa pambansang badyet; ang lahat ng makabuluhang impormasyon ay dapat iparating sa sambayanan.
Ang media coverage sa naturang pagpupulong, lalo na nga kung ito ay tatampukan ng masasalimuot at kontrobersyal na isyu, ay natitiyak kong lubhang kailangan. Ito rin ang paniwala ng mga Senador, lalo na nga ni Senador Panfilo Lacson na laging naninindigan na dapat ilantad ang lahat ng detalye sa national budget sa ngalan ng ‘transparency’; upang masiguro na walang isiningit na ‘pork barrel’ ang mga Kongresista.
Ang inaasahang madugong debate ay nakalundo sa sinasabing special P100-billion appropriations sa GAB na itinuturing na umano’y ‘pork barrel’. May mga sapantaha na ang naturang nakalululang pondo ay ilalaan o ire-realign ng Kamara sa iba’t ibang kagawaran ng pamahalaan, tulad ng Department of Education, Commission on Higher Education at iba pa. Makabuluhang mga isyu ito na dapat himayin sa bicameral meeting.
Ito rin marahil ang dahilan kung bakit tinututulan ni Speaker Alan Peter Cayetano ang media coverage sa nasabing makatuturang pagpupulong ng mga mambabatas. Bagamat hindi dapat makisawsaw, wika nga, sa gayong gawain ng Kongreso, nais kong sabihin na ang gayong mistulang panghihimasok din sa misyon mg mga mamamahayag ay tandisang pagtalampak sa press freedom na ginagarantiyahan ng ating Konstitusyon. Pinangangalagaan din ito ng Freedom of Information (FOI) na umiiral na sa pamamagitan ng Executive Order na nilagdaan ni Pangulong Duterte – isang makabuluhang hakbang na naglalayong ilantad sa sambayanan ang lahat ng gawain at transaksiyon sa gobyerno.
Totoo na ang FOI ay umiiral pa lamang sa Executive branch ng pamahalaan. Hindi ko malaman kung bakit ang pagpapatibay ng nasabing batas ay patuloy pang pinatatawing-tawing sa Kongreso. Tinututulan kaya ng mga mambabatas ang pagkakaloob ng kalayaan sa ating mga kababayan na busisiin ang masasalimuot na isyu na dapat nilang maliwanagan? Mayroon kaya silang itinatago na dapat ilingid sa bayan.
Sa anu’t anuman, ang media coverage ay hindi marapat hadlangan sa mga aktibidad ng pamahalaan, maliban na lamang kung ang gayon ay labag marahil sa pambansang seguridad. Karapatan ng sambayanan na subaybayan ang pagtupad sa tungkulin ng ating mga lingkod ng bayan
-Celo Lagmay