SA kabila ng paglutang ng mga kahilingan hinggil sa pag-aalis ng martial law sa Mindanao, kabilang ako sa mga naniniwala na dapat pang manatili sa naturang rehiyon ang pagpapatupad ng mahihigpit na reglamento at batas na magpapanatili at lalo pang magpapaigting sa katahimikan at kaayusan na laging ginagambala ng mga terorista at mga kampon ng kadiliman, wika nga. Lalo na nga na kamakailan lamang ay may napatay na sundalo sa labanang naganap sa Mamasapano, Maguindanao.
Magugunita na ang martial law ay idineklara ni Pangulong Duterte noong Mayo 23, 2017 nang sumiklab sa Marawi City ang kahindik-hindik na digmaan sa pagitan ng ating mga sundalo at pulis at ng Maute group na sinasabing kaalyado ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS). Katakut-takot ang nalagas sa magkabilang panig, bukod pa ang nawasak at nasunog na mga bahay at gusali na naging dahilan upang magmistulang kalansay ang naturang lungsod.
Tatlong taon nang umiiral ang martial law sa Mindanao, makaraang ito ay dalawang beses nang pinalalawig, kasabay ng puspusang rehabilitasyon sa naturang nawasak na siyudad. Ngayong ito ay nasa ikaapat na ulit nang pagpapalawig, mismong si Secretary Delfin Lorenzana ang nagpahiwatig na hindi na nararapat ang martial law extension, kaakibat ng kanyang paniniwala na masyadong matagal na ang pagpapatupad ng naturang batas militar.
Gayunman, naniniwala ako na nararapat din namang pakinggan ang paninindigan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP). Higit kaninuman, sila ang nasa posisyon sa paglalatag ng rekomendasyon na dapat pagbatayan sa pag-aalis ng martial law. Sa paniniwala ko, ito rin ang magiging batayan ni Pangulong Duterte na siyang may final say sa kapalaran ng martial law sa Mindanao. Sa bahaging ito, gusto kong maniwala na maaaring magdalawang-isip ang Pangulo sa naturang isyu sa harap ng manaka-naka pa ring mga karahasan sa Mindanao.
Totoong may alternatibo, bilang kapalit marahil ng pagpapairal ng martial law. Nais ni Lorenzana, at ng iba pang mambabatas, na palakasin na lamang, halimbawa, ang Human Security Act na inaasahang magpapalakas o magbibigay ng dagdag na ngipin, wika nga, sa pagpapatupad ng mga batas o law enforcement. Dapat ding maging batayan sa pagsusuog sa nasabing batas ang pagdaragdag ng period of detention ng mga terrorist suspect ng mula sa tatlo hanggang 30 araw; dapat ding alisin ang P500,000 multa bawat araw para sa mga miyembro ng security forces na maaaring nagkamali sa pagpapakulong o detention ng mga pinaghihinalaang terorista.
Sa harap ng ganong mga plano at kahilingan, hindi nagbabago ang aking pananaw na ang pag-aalis ng martial law sa Mindanao ay pagpipistahan ng mga terorista at kriminal na wala nang inatupag kundi maghasik ng karahasan sa kapinsalaan ng sambayanan.
-Celo Lagmay