BUKAMBIBIG ng mga pantas sa lipunan ang mga katagang: “History repeats itself.”
Biglang pumasok ang mga salitang ito sa aking isipan nang marinig ko ang anunsiyo mula sa Malacañang na si Vice President Leni Robredo na ang bagong drug czar sa bansa, posisyong magpapatuloy sa madugong kampanya laban sa droga ni Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Kasabay nito ay sumiksik din sa aking kokote ang isinulat ng philosopher na si George Santayana bilang susog sa mga naunang salita: “Those who do not learn history are doomed to repeat it.”
Teka muna – ano nga ba ang dahilan at biglang napasukan ang mga salitang ito sa aking isipan?
Ganito kasi ‘yun:
Dekada 90 – mga taon sa pagitan ng 1992 – 1998 – ang pangulo ng bansa ay si dating General Fidel “Tabako” Ramos at ang kanyang Vice President ay si dating San Juan Mayor Joseph “Erap” Estrada.
Ang malaking problema noon sa “peace and security” sa buong bansa, lalo na rito sa Metro Manila ay ang malalang krimen na mga kidnapping at mga bank robbery.
Sikat na sikat pa rin si Erap – ang sinasabing “kandidato para sa mga mahihirap” kaya sa tingin ko noon ay feeling insecure ang nagsisipsip na mga opisyal na nakapaligid kay Tabako, lalo na ‘yung may ambisyong tumakbo bilang pangulo sa parating na halalan.
Kamukat-mukat -- gaya nang narinig natin pag-anunsiyo ng Palasyo sa pagiging drug czar ni VP Leni – biglang lumabas ang balita na si Erap na ang crime czar sa buong bansa. Siya ang naatasang lumutas sa pamamayagpag ng mga kidnapping at bank robbery sa buong kapuluan.
Ang malakas na bulungan sa buong “intelligence community” -- ang paborito kong mga lugar na pinupuntahan noong ako ay reporter pa na nakatalaga sa Department of National Defense (DND) – na ano raw ang alam ni Erap sa pagkontrol sa kriminalidad?
Ang lumutang na dahilan: “para mapahiya o mag-self-destruct sa kanyang popularidad si Erap na sinasabing walang alam kundi ang magpa-pogi sa mga mahihirap na siyang nag-upo rito bilang Vice President.”
Medyo nagkamali rito ang mga asungot ni Tabako dahil mas sumikat pa si Erap. Namayagpag siyang parang bida sa kanyang mga pelikula sa paghuli sa mga suspek na kidnapper at mga bank robber. Publicity stunt na nakatulong upang manalo si Erap bilang Pangulo noong 1998 election.
Kung ano ang sikreto at paano nagawa ito ng kampo ni Erap, ay isa na namang mahabang kuwento na puno ng “hukos-pukos.” Ngunit pamamaraan na ‘di dapat maliitin dahil ito ang naging dahilan kaya nakuha ni Erap ang suporta ng mga bigtime na negosyanteng Chinese na mga na-rescue raw ng grupong kung tawagin noon ay Presidential Anti-Crime Commission (PACC) na itinatag ni Tabako para pamunuan ni Erap.
Kaya nang mabasa ko na nagbigay ng payo si Sen. Panfilo Lacson kay VP Leni na “watch you back!”– biglang umikot lalo ang ulo ko at naisip na talagang nga palang “history repeats itself”!
Si Sen. Ping kasi ang naging Chief PNP nung panahon ni Erap, matapos ang mga “successful rescue operations” ng PACC na pinamunuan nito.
Ang sa akin naman, susundan ko ang linya ng payo ni Sen. Pingna: “Magtalaga ng sariling tao para magmanman sa ibang operatiba.” Ito’y para raw mapigil ang mga pagpasok ng iligal na droga sa bansa.
Ang susog ko rito: “Ang piliin na mga tauhan ay mababa ang ranggo – mula Lieutenant hanggang Major –karamihan kasi sa mga ito hindi pa politicized, at trabaho lamang ang nasa ulo.”
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.