WALA atang higit na kapana-panabik sa pag-akyat ng etablado at tumanggap ng simbolikong diploma. Para sa marami, hudyat ito ng pagtatapos ng isang partikular na yugto ng kanilang buhay—paghahanda sa tunay na mundo. Gayunman, kung mapasabak ka na sa “real world”, tunay na makikita mo ang reyalidad. At ang reyalidad na ito ang magsasabi sa’yo na hindi ka dapat tumigil matuto, matawag mo man ang sarili mo na ‘graduate.’
Marami na akong narinig na mga kabataan na nagpahayag ng kanilang pakiramdam ng paglaya: “sa wakas wala ng exams, thesis, at recitations!” Na lingid sa kanilang kaalaman, sa trabaho ay kailangang mong gumawa ng mga ulat, magprisinta tuwing may mga pulong at sagutan ang mga tanong ng nakatataas sa iyo. Hindi natatapos ang pagkatuto. Hindi ito dapat mahinto.
Mahalaga ang pormal na pag-aaral. Gumugol ako ng mga taon sa kolehiyo at postgraduate upang pag-aralan ang business administration sa University of the Philippines at masasabi kong ang pundasyon na konsepto na natutunan ko ay nagagamit ko hanggang ngayon.
Ngunit batid ko rin na hindi sapat ang natutunan sa paaralan upang malampasan ang mga pagsubok sa buhay. Sa aking kaso, marami akong praktikal na karanasan bago pa ako pumasok ng UP, dahil tinutulungan ko naman ang aking ina na magtinda ng hipon at isda sa palengke. Ang mga praktikal na karanasang ito ay nagpatuloy paglabas ko ng unibersidad, nang pumasok na ako sa mundo ng korporasyon at kalaunan ay magsimula ako ng sarili kong negosyo.
Mahalaga ang diploma, ngunit hindi nito masisiguro ang iyong kinabukasan.
Sa tuwing tinatanong ako ng mga tao, kung ano ang paraan upang maging negosyante, palagi kong sinasabi sa kanila na ang pagnenegosyo ay nakapaloob sa ‘problem solving’ at paglikha ng yaman sa proseso nito. Bago ko maitayo ang unang bahay na aking ibinenta, interesado ako sa paghahanap ng kasagutan kung paano maisasakatuparan ng mga Pilipino ang kanilang pangarap na magkaroon ng sariling bahay. Pinag-aralan ko ang mga kasalukuyang modelo, at nakaisip ng isang matagumpay na formula.
Bilang isang negosyante naghahanap ka ng maibibigay na solusyon sa mga problema. At hindi mo ito magagawa kung wala kang sapat na kaalaman. Kailangan mong patuloy na dagdagan ang iyong kaalaman upang makasabay sa mabilis na pagbabago ng mundo. Kahit pa magdesisyon kang tumigil na matuto, patuloy na iikot ang mundo sa iyo.
Nang matapos ko ang aking huling termino bilang isang Senador noong 2013, nagdesisyon akong muling bumalik sa pagpapatakbo ng negosyo. Sa kabila ng malawak kong karanasan bilang isang negosyante, kinailangan ko pa ring pag-aralan ang mga bagong kaganapan sa mundo ng real estate, lalo’t nawala ako sa industriyang ito sa loob ng 21 taon, na ginugol ko bilang isang lingkod-bayan.
Bukod pa rito, sa pagsisimula ng paglawak ng Vista Land, kinailangan kong pag-aralan ang aspekto ng retail para sa mga negosyo tulad ng kape, bakery, convenience stores, at iba pa. Isa itong kapana-panabik na sandali dahil pakiramdam ko’y isa akong baguhan na negosyante. Kailangan kong muling pag-aralan at matutunan ang mga bagong bagay.
Napagtanto ko rin na ang patuloy na pagkatuto ay mahalaga upang mapanatili ang iyong kagustuhan o passion at kalaunan para sa tagumpay ng iyong negosyo. Maging hanggang ngayon, ay kailangan kong magbasa, matuto sa iba at sa aming mga paglalakbay, at kuhanin ang mga bagong ideya.
Kailangan mo ring matuto sa iyong mga pagkakamali. Kapag sinimulan mo ang isang bagay na gusto mong gawin, tiyak na nakaabang sa iyo ang pagkakamali o nais ko itong tawaging—pagkakataon upang matuto. Minsan umuubra pa rin ang mga lumang ideya, minsan hindi. At kapag ito ay nabigo, kinakailangan mo ang abilidad at kaalaman upang tanggapin ito. Hindi naman panghabambuhay ang mga pagkakamali. Maaari itong maging tulay sa tagumpay kung matututo ka mula rito.
Kaya naman binura ko na sa aking bokabularyo ang salitang “pagreretiro.” Palagay ko’y hindi ako matitigil sa patuloy na pagkatuto at paggawa ng mga bagay na pinakagusto ko.
-Manny Villar