HINDI pa napapawi ang kilabot na gumapang sa aking kamalayan nang ipahayag ni Vice President Leni Robredo: “Gusto ko ‘yan.” Bilang tugon ito sa mistulang hamon ni PDEA Director General Aaron Aquino hinggil sa kanyang pagsama sa anti-illegal drug operations. Gusto kong maniwala na ang nakakikilabot na pahiwatig ng pangalawang pinakamataas na opisyal ng ating bansa ay nakaangkla sa kanyang matinding determinasyon na mawakasan ang matindi ring problema sa mga bawal na gamot.
Kamakailan, si VP Robredo ay hinirang ni Pangulong Duterte bilang co-chair ng ICAD (Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs) bilang katuwang niya si Aquino. Walang pag-aatubili naman itong tinanggap ng naturang opisyal kaakibat ng paglalatag niya ng inaakala niyang mga estratehiya laban sa kasumpa-sumpang illegal drugs.
Sa kabila ng pagtutol ng ilang sektor hinggil sa pagsama o pakikiisa ni VP Leni sa drug operatives, tila wala pang maliwanag na reaksiyon ang naturang opisyal. Mismong si DILG Secretary Eduardo Año ang nagpahayag ng pangamba na hindi makabubuti na ang VP ay maging bahagi ng pagtugis sa mga users, pushers at druglords. Ganito rin ang paninindigan ni Senador Panfilo Lacson na mapanganib para sa naturang opisyal ang gayong operasyon; at maaaring mabulabog at hindi magtagumpay ang paglipol sa droga dahil sa katakut-takot na security na kailangang maunang lumusob, wika nga, sa mga drug dens.
May matuwid ang nabanggit na mga pagtutol lalo na nga kung isasaalang-alang na masyadong mapanganib ang pagsalakay sa kuta ng mga adik; malimit na may nalalagasa sa panig ng mga alagad ng batas, lalo na nga kung nanlalaban ang mga sugapa sa droga. Maaaring taliwas ito sa paniniwala ni VP Leni sapagkat tutol siya sa Operation Tokhang; ang nais niya ay isang makataong operasyong walang kaakibat na pagpaslang ng mga drug suspects.
Ang gayong sistema ng operasyon ang isa sa mga kondisyon ng pagtanggap ni VP Leni sa alok ng Pangulo. Kakaibat din ng kanyang mga plano ang paglalatag ng mga estratehiya upang mabawasan ang drug supply na nabibili at ginagamit ng mga nagugumon sa bawal na droga. Magiging bahagi ito ng kampanya laban sa mga alagad ng batas na sinasabing kakutsaba ng mga kasangkot sa illegal drugs.
Plano rin ng VP na pulungin ang mga kinatawan ng United Nations, US Embassy officials at maging ang ilang alagad ng mga relihiyon na maaaring makatulong sa intelligence gathering na lubhang kailangan sa paglipol ng illegal drugs. Hindi ba sapat ang intelligence strategies ng ating PNP, AFP at iba pang security agencies?
Tila pawang mga plano paalmang ang nailalatag ni VP Leni. Antabayanan natin ang mga positibong resulta ng mga ito, mga plano na maituturing pa lamang na hudyat sa pagpuksa ng illegal drugs
-Celo Lagmay