WALANG kagatul-gatol ang paalala na may himig babala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD): Iwasang magbigay ng limos sa mga batang kalye, kabilang na ang mga miyembro ng indigenous people (IPs). Natitiyak ko na ang pahayag ng naturang ahensiya ng gobyerno ay nakaangkla sa Anti-Mendicancy Law na mahigpit na nagbabawal sa mahihirap at religious groups sa paghingi ng donasyon at pamamalimos sa mga lansangan.
Maaaring makasarili ang aking pakahulugan sa naturang batas, lalo na kung isasaalang-alang na ang lalabag dito ay papatawan ng parusang pagkabilanggo at multa. Nangangahulugan labag sa batas ang pagdamay sa kapuwa? lalo na nga sa mga mahihirap at sa mga katutubo na umaahon sa mga kalunsuran lalo na ngayong Kapaskuhan upang humanap na lamang ng ikabubuhay? Na sa halip na sila ay pagbawalang limusan, hindi ba sila ay marapat lamang abutan ng kahit katiting na biyaya mula sa ating mga puso?
Gayunman, maaari rin namang may matuwid ang DSWD sa implementasyon ng nabanggit na batas. Marapat din namang mailigtas sa panganib ang buhay ng mahihirap na namamalimos. Ang walang pakundangan pamamalimos sa mga lansangan ay takaw-aksidente, wika nga, at maaaring humantomg sa malagim na wakas.
Dahil dito, nasa wastong direksiyon ang mungkahi ng DSWD: Ang mga nagmamagandang-loob na nais dumamay sa ating mga kababayang maralita -- lalo na nga ang mga namamalimos -- ay marapat na lamang maglunsad ng isang gift-giving and caroling activities, feeding session, medical mission at iba pang makabuluhang paraan ng pagtulong sa kapuwa.
Ang babala ng DSWD ay taliwas naman sa pananaw ng ilang sektor ng sambayanan, lalo na ng Simbahang Katoliko. Kaugnay ng paggunita sa World Day of the Poor, lumutang ang isang dakilang simulain: “The hope of the poor shall not perish forever.” Ibig sabihin, ang naturang selebrasyon ay sumasagisag sa pagpapahayag natin ng pagkakaisa, pagmamahal at paglilingkod sa mahihirap.
Ang nabanggit na dakilang araw para sa mga maralita ay itinakda ni Pope Francis bilang isang panawagan sa lahat ng kinapal sa buong daigdig upang gumawa ng mabuti para sa mga dukha at buksan ang mga palad para sa mga taong nabubuhay sa pagdarahop.
Sa halip na pagbawalan ang pagbibigay ng limos sa mahihirap, pangungunahan ng ilang sektor ang pagbisita sa mahihirap na komunidad, sa mga bilangguan at magtataguyod ng talakayan tungkol sa katarungang panlipunan.
Dahil sa magkasalungat na panindigan sa pagdamay sa mahihirap nating mga kababayan, ako’y tila nakatigil sa krus na daan, wika nga, kung pahahalagahan ko ang Anti-Mendicancy law o pakikinggan ang nasabing mga grupo sa kanilang makataong simulain.
Sa anu’t anuman, tila hindi ko matitiis na hindi abutan ng kahit na katiting na biyaya ang nakalahad na mga palad ng tinatawag na street beggars.
-Celo Lagmay