PALIBHASA’Y may matinding hangaring mailigtas sa kinatatakutang African Swine Fever (ASF) ang mga babuyan, hindi alintana ni Secretary William Dar ng Department of Agriculture (DA) ang makiusap at mistulang magmakaawa sa mga hog raisers na iwasan ang pagkatay at pagbibiyahe ng mga karne na apektado ng naturang sakit ng mga baboy. Ang naturang walang katapusang paglalambing, wika nga, ay binigyang-diin ng DA chief sa harap ng kabi-kabilang pagkumpiska sa mga banned meat products na sinasabing nagmula sa mga bansang pinaghihinalaang may ASF.
Sa kabila ng malawakang pagbabawal laban sa patuloy na paglaganap ng ASF, isinasaad sa mga ulat na may mga hog raisers pa rin ang lihim na nagkakatay ng kanilang mga alaga at maaaring ibinebenta sa iba’t ibang lugar sa bansa. Maliwanag na ito ang dahilan ng pagbabawal naman ng local government units (LGUs) sa mga magbababoy o hog traders na pumasok at magbenta sa kanila-kanilang mga lalawigan, siyudad o bayan. Umiiral ang ganitong patakaran sa Cebu, Bohol at maging sa ilang lugar sa Mindanao. Hindi ba ang ganitong sistema ng pagnenegosyo ay maituturing na economic sabotage -- isang paglabag sa batas na pinapatawan ng mabigat na parusa?
Ang gayong nakadidismayang ulat na bumulaga rin sa atin ay naganap sa Legaspi nang makasabat ang mga awtoridad ng banned meat products na nagkakahalaga ng P300,000; sinasabi na ang naturang mga produkto na nagmula sa Vietnam ay sinuri ng mga miyembro ng magkasanib na operatiba ng Legaspi Veterinary Office, National Meat Inspection Service (NMIS) at Food and Drug Administration (FDA). Hindi ba ang gayong estratehiya ay isa ring economic sabotage?
Hindi dapat ipagwalang-bahala ang manaka-naka pang paglaganap ng ASF, sa kabila ng walang katapusang paalala at pakiusap ng DA hinggil sa pagkakaisa laban sa naturang sakit ng baboy. Naniniwala ako na obligasyong moral, wika nga, nating lahat na pakinggan ang nasabing panawagan. Kaugnay nito, sinabihan ko ang ilang ka-barangay at kamag-anak na may malilit na piggery na sundin ang makabuluhang mga tagubilin ng DA, tulad ng pagtalima sa tinatawag na 1-7-10 protocol. Ibig sabihin dapat ihiwalay, patayin at ilibing kung kinakailangan ang kanilang mga alaga na pinaghihinalaang nahawahan ng ASF; at huwag ilalayo ang mga ito sa layong isang kilometro, o pito hanggang 10 kilometro. Sa gayon, maiiwasan ang paglaganap ng nasabing sakit.
Hindi dapat panghinayangan ang mga ihihiwalay o papataying mga baboy, lalo na nga kung ito ay mangangahulugan ng kaligtasan ng P260 billion hog industry na kaagapay sa kaunlarang pangkabuhayan ng ating bansa.
-Celo Lagmay