BAGAMAT malaliman pang pinag-aaralan ang panukala ng Department of Health (DoH) hinggil sa pagpapataw ng dagdag na buwis sa maaalat na pagkain, naniniwala ako na ang naturang plano ay hindi magiging katanggap-tanggap sa maraming sektor ng sambayanan kabilang na ang ilang mambabatas. Dahil dito, lalong kapani-paniwala na ang naturang panukala ay maituturing na ‘dead-on-arrival’ sa Kongreso.
Sa pagbusisi sa nabanggit na plano, napag-alaman ko na sasangguniin ni DoH Secretary Francisco Duque III ang pamunuan ng Department of Finance (DoF) at Department of Trade and Industry (DTI) upang matiyak kung alin-aling maaalat na pagkain ang maaaring simulang patawan ng dagdag na taripa. Marapat ding pagtuunan ng pag-aaral ng naturang mga ahensiya ang pagpapalaganap ng makatuturang impormasyon tungkol sa mga kasamaan at kabutihan sa paggamit ng asin, kabilang na ang pagkain ng iba pang maaalat na pagkain.
Maaaring ang mungkahi ng DoH ay nakaangkla sa palasak na pananaw ng mga medical practicioners na ang sobrang paggamit ng asin ay nakasasama sa ating kalusugan. Sa pahayag ng United Nations Interagency Task Force, halimbawa, nahiwatigan na ang labis na paggamit ng asin o high salt consumption ay isa sa mga sanhi ng tinatawag na non-communicable diseases (NCDs) sa ating bansa. Kabilang sa NCDs ang cancer, heart disease, diabetes, stroke at chronic respiratory diseases. Sa hanay ng nakakikilabot na mga karamdaman, sapat nang sagilahan tayo ng takot at mapilitang isumpa ang pagkain ng salty foods.
Sa bahaging ito nabuo ang paniniwala ng ilang mambabatas, lalo na ng mga kababayan nating mahihirap na hanggang ngayon ay nakalugmok pa sa karalitaan. Ang pagpapataw ng dagdag na buwis sa maaalat na pagkain na naging bahagi na ng kanilang mga hapag-kainan ay dagdag ding parusa sa kanila – mga pagkain na tulad ng tuyo, daing, bagoong at iba pa na mabibili lamang ng katiting na halaga mula sa kanilang lukbutan. Marahil, ang dapat patawan ng additional tax ay mga pagkain ng mga nakaririwasa sa buhay.
Anupa’t ang dapat atupagin ng DoH ay mga panukala na lalong magpapabuti sa kalusugan ng ating mga kababayan, lalo na ng mga madalas dalawin ng karamdaman; kailangan nila ng mga estratehiya para sa isang malusog na pamumuhay – mga panukala na pag-uukulan ng matamang pag-aaral at hindi mga plano na pabigat sa naghihirap na mga mamamayan o panukalang ‘anti-poor’.
-Celo Lagmay