HINDI ko matiyak kung hanggang saan na nakarating ang kontrobersyal na isyu hinggil sa sinasabing mistulang pagpapalayas sa ating mga kapatid na mamamahayag sa press room ng National Capital Region Police Office (NCRPO), nakalilito kung ano ang dahilan ng gayong nakapanlulumong eksena na maaaring gumulantang sa mga miyembro ng NCRPO Press Corps.
Isinasaad sa mga ulat na iniutos umano ni Brig. Gen. Debold Sinas, ang bagong-hirang na hepe ng NCRPO, ang pagbakante sa tanggapan ng ating mga kapatid sa NCRPOPC. Maliban kung may mabigat, makatuwiran at kung ang pananatili sa naturang opisina ay banta sa seguridad, ang gayong aksiyon ay pinaniniwalaan kong isang paglumpo sa kalayaan sa pamamahayag. Sa munting press room na iyon -- ang silid na itinuturing na pangalawang tahanan ng mga mamamahayag -- sinusulat ng mga reportes ang makatuturang impormasyon na dapat malaman ng sambayanan; mga reports o ulat na ipinadadala nila sa kani-kanilang mga pahayagan at broadcast outfit.
Doon hinahabi, wika nga, at nililinaw ang mga isyu sa kapakanan ng taumbayan at ng mismong mga awtoridad na laging nakahalubilo ng ating mga kapatid sa propesyon; lalo na nga ngayon na karapatan ng lahat na mabatid ang makabuluhang mga impormasyon -- mga karapatan na itinatadhana ng Freedon of Information (FOI) na umiiral sa executive department sa bisa ng Executive Order (EO) na nilagdaan ni Pangulong Duterte.
Maaaring may matuwid ang pagbakante sa naturang press room, lalo na kung iyon ay gagamitin ng ating mga pulis sa pagbalangkas nila ng mga estratehiya laban sa tila hindi nababawasang paglaganap ng illegal drugs at iba pang krimen; mga estratehiya na lalong magpapatibay sa kanilang misyon: To serve and protect. Dangan nga lamang at ang ating mga kapatid sa media ay nagulantang sa biglang pag-aalis ng kanilang pangalawang tahanan.
Palibhasa’y laging nagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag -- at dahil sa mahigit na kalahating dantaon na rin naman sa pamamahayag -- nais king bigyang-diin na ang press room ay kakambal na ng buhay ng tinatawag na mga miyembro ng Fourth Estate. Sa aking pagkakaalam, walang LGUs at iba pang tanggapan ng gobyerno ang hindi naglalaan ng kahit makipot na silid para sa media group. Kaya tayo may tinatawag na Malacañang Press Corps, Senate at House Press Office, at iba pa.
Ang gobyerno at private media -- kabilang na ang ating police at military organization -- ay itinuturing na magkakambal sa misyon, lalo na kung isasaalang-alang ang pagpapahalaga sa kalayaan sa pamamahayag, sa aking karanasan, halimbawa, ang ating mga kapatid na pulis na itinuturing nating bed-fellows at mistulang magkahiga, wika nga; magkatuwang sa mga crime at dug raids, at iba pang misyon, gusto kong maniwala na nabigla lamang si Gen. Sinas sa kanyang utos na pinaniniwalaan kong isang paglumpo sa press freedom.
-Celo Lagmay