HANGGANG ngayon – sa simula ng pagdagsa ng ating mga kababayan sa iba’t ibang sementeryo – hindi ko makumbinsi ang aking sarili na dalawin ang libingan ng aking ina na mistulang inagaw at pinatungan ng nitso, halos anim na dekada na ang nakalilipas. Hanggang ngayon, hindi ko matiyak kung kampon nga ng mga tampalasan ang walang pakundangang lumapastangan sa pinaghimlayan ng aming magulang.
Nais kong bigyang-diin na ang gayong pananaw ay hindi nangangahulugan ng kawalan ng pagpapahalaga sa ating mayamang kultura hinggil sa pagdalaw ng mga naulila sa puntod ng kani-kanilang yumaong mga mahal sa buhay. Ang okasyong ito – bukod sa nagsisilbing reunion o pagtatagpu-tagpo ng mga magkakamag-anak at magkakaibigan – ay isa ring patunay ng ating pagmamahal at paggalang sa mga namayapa nang sila ay nabubuhay pa.
Maaaring taliwas ang aking pagsasaalang-alang sa nabanggit na kaugalian; maaaring ako ay ipagkamali bilang isang pesimista o pessimistic na mapag-isip ng mga kabiguan, kahirapan at pagkasiphayo sa buhay. Kaugnay nito, hindi ko malilimutan ang sumakabilang-buhay kong ina na inilibing nang hindi ko man lamang nasisilayan.
Nasa Maynila ako nang maganap ang naturang nakapanglulupaypay na eksena ng aking buhay; naglayas – stow-away in good faith, wika nga – upang maipagpatuloy ang aking nauntol na pag-aaral. Ako ay nasa gayong kasagsagan ng pagsisikap nang igupo ng matinding karamdaman ang aking ina.
Bagamat hindi ko man lamang nabanaagan noon ang anino ng kabaong ng aking ina, kaagad akong sumugod sa public cemetery ng aking bayan sa Zaragoza, Nueva Ecija. Isang krus na kahoy na lamang ang naging tanda ng pinaghimlayan sa kanya.
Makaraan ang isang taon, muling kong sinadya ang kanyang puntod. Subalit wala na ang krus na kahoy; sa halip, pinatungan ito ng isang magarbong nitso ng isang inaakala kong nakaririwasa sa buhay. Naibulong ko sa sarili: Simbolo ito ng malawak na agwat ng mayroon at wala – ng mayaman at dukha.
Kabuuan ito ng anyo ng mistulang inagaw na libingan ng aming ina na ayaw ko nang dalawin. Sa halip, siya, kabilang ang aking ama, mga kapatid at iba pang mahal sa buhay, ay ipagtutulos ko na lamang ng mga kandila bilang patunay ng aking pagmamahal sa kanila at sa pagpapahalaga ng ating kultura tungkol sa paggunita ng Araw ng mga Patay.
-Celo Lagmay