ANIM na mga kababayan natin na dalubhasa sa pagnenegosyo, pangangalaga sa kalikasan, medisina, siyensiya, teknolohiya, at pagsasaka ang pinangalanan bilang mga The Outstanding Filipino Awardees 2019 (TOFIL) sa taunang pagbibigay parangal ng organisasyong Junior Chamber International (JCI).
Nanguna sa anim na TOFIL awardees ay ang bilyonaryong negosyante na si Ramon S. Ang, pangulo at chief executive officer (CEO) ng San Miguel Corporation (SMC), batay sa ulat na ipinalabas ng TOFIL awards committee para sa taong 2019 na pinangungunahan ng aking kaibigan na si Melandrew T. Velasco, bilang JCI national chairman.
Ayon kay Velasco, si Ang ay isa sa mga napili dahil sa kanyang “exemplary contributions to nation-building in the field of business/entrepreneurship” sa ating bansa. Siya ang nagtimon sa SMC kaya ito naging isang higanteng kumpaniya na bumubuo sa “business conglomerate involved in banking, bulk water, cement, food, infrastructure, oil, property and transport industries.”
Ang isa sa mga inaabangan na proyekto ni Ang ay ang pinakamalaking airport na inumpisahan nang gawin sa Bulacan na inaasahang makatutulong sa pagluwag ng daloy ng trapiko papuntang Norte at sa buong Metro Manila.
Sabi ni Velasco, si Ang ay itinalaga ng JCI na magbibigay ng “Response and Acceptance speech on behalf of all the 2019 TOFIL awardees” sa gagawing awarding ceremonies sa Disyembre 2, 2019 sa Manila Hotel.
Ang lima pang kasama ni Ang na mga TOFIL awardees ay sina Glenn S. Banaguas (Environment Conservation and Science Diplomacy); Dr. Joselito R. Chavez (Medicine); Virgilio L. Malang (Science and Technology); Legazpi City Mayor Noel E. Rosal (Government/Public Service); at Nelly Siababa-Aggangan (Agriculture).
Ang bawat TOFIL awardee ay makatatanggap ng tropeo – “27-inch sculpture of irregular polygonal form symbolizing the many sidedness of human endeavor, and its gradual narrowing top represents the pinnacle of achievement. Its wide base reflects solidity of purpose” – na gawa ni National Artist for Visual Arts Napoleon Abueva.
Ang bumubuo sa Board of Judges ay sina Supreme Court Administrator Justice Jose Midas Marquez, Foundation chairman JCI Sen. Rogelio “Bicbic” Garcia, JCISP president Domingo “Jun” O. Roque Jr., 2010 TOFIL awardee Shirley Halili-Cruz, and PCCI chairman Emeritus Dr. Francis Chua.
Ang programang TOFIL ay inilunsad noong 1988 ng JCISP at nakapagbigay na ng natatanging parangal sa mahigit 100 kalalakihan at kababaihan sa bansa, na nagpakadalubhasa at kinilala sa kanilang mga larangan.
Ang ilan lamang sa halos 100 mga natatanging Filipino na nabigyan ng parangal na ito ay sina Cecilia Muños Palma (Public Service, 1988); Diosdado Macapagal (Government service, 1990); Helena Zoila T. Benitez (Education, 1996); Efren “Bata” Reyes (Sports, 1999); David Consunji (Construction Industry, 2002); at Antonio P. Meloto (Humanitarian Service, 2006).
Harinawang ang anim na natatanging Pilipino na ito na ginawaran ng parangal bilang TOFIL ay magsilbing huwaran at inspirasyon sa iba pang nating kababayan na magbigay rin ng natatangi nilang paglilingkod sa mamamayang Pilipino at sa ating Inang bayan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.