GUSTO kong maniwala na ang panukalang batas na isinusulong sa Kamara hinggil sa pagpapahaba ng probationary period ng mga manggagawa ay walang lohika at hindi pinag-ukulan ng masusing pag-aaral. Isipin na lamang na mula sa anim na buwan, pahahabain ng dalawang taon ang serbisyo ng mga namamasukan bago sila pagkalooban ng permanent status. Ang naturang bill, kahit saan ko silipin ay lalong magpapabigat sa kalbaryong pinapasan ng ating mga manggagawa na laging umaasam na maging pirmihan kaagad sa kanilang mga trabaho.
Maaaring may matuwid ang mga mambabatas na nagtataguyod sa naturang panukala na naninindigan na iyon ang ‘lasting fix’ o magsasaayos ng kontrobersyal na ‘endo o end of contract’ -- isang paraan ng pagtanggap ng mga tauhan. Kaakibat ito ng tandisang pagpapahayag na ang naturang panukala ay pro-labor o nakakiling sa mga manggagawa at hindi marahil sa mga employers.
Kabaligtaran naman ito ng paninindigan ng Senado na tahasang nagpahiwatig na ang nabanggit na panukala ay laban o balakid sa mistulang paglipol ng ‘contractualization’ na matagal nang ipinaglalaban ng mga manggagawa at ng mismong Duterte administration. Magugunita na hindi miminsang binigyang-diin ng Pangulo ang pagbibigay-wakas sa masalimuot at kontrobersiyal na ‘endo’ sa lahat ng private companies at maging sa mga tanggapan ng gobyerno. Dahilan ito upang tiyakin ng mga Senador na ang naturang bill ay ‘dead-on-arrival’ sa Senado.
Ang magkasalungat na paninindigan ng Kamara at Senado ay inaakala kong napapanahong hudyat upang paigtingin naman ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagbalangkas ng Security of Tenure (SOT) bill na may gayon ding bersyon sa Senado at Kamara. Sa gayon, magiging mabilis ang pagsasabatas nito para sa kapakinabangan ng mga manggagawa. Sa gayon, mailalayo sila sa pagsasamantala ng ilang employers na matagal nang nangungunyapit sa tiwaling sistema ng pagtanggap ng kanilang mga tauhan. Ang pangangalaga sa labor force laban sa mga pagmamalabis ng mga employers ay hindi makatarungan at mahigpit na ipinagbabawal ng Konstitusyon.
Sa bahaging ito, marapat din namang timbangin ang merito ng pagpapahaba ng probationary period -- mula sa anim upang maging 24 na buwan. Totoo, may mga trabaho na nangangailangan ng mahabang panahon upang ganap na masakyan, wika nga, ang lahat ng bagay na dapat mapag-aralan sa mga ito. Iba ang highly technical job sa simpleng trabaho. Gayunman, masyadong mahaba ang dalawang taon na sa aking paniniwala ay isang kalabisan at isang anyo ng pagpaparusa sa mga obrero.
Sa anu’t anuman, ang nabanggit na panukala ay mistulang pagsabotahe sa kampanya laban sa ‘contractualization o endo -- isang bill na dapat lumpuhin kaagad.
-Celo Lagmay