KUNG hindi ako nagkakamali ng pakiramdam at obserbasyon sa namamayaning damdamin ng mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP), matapos ang nakagugulat na biglaang pagbalasa sa kanilang hanay nito lamang weekend, walang duda na magkakapareho ang kanilang katanungan, ngunit ‘di naman makalabas nang hayagan sa kanilang mga bibig.
Ito na marahil ang katanungan na kinikimkim ng karamihan sa kanila: “Ang PMA Class 86 lang ba ang mga anak ng Diyos sa panahon ng administrasyong ito?”
At dahil walang maglakas loob na magtanong sa mga ito, babasahin ko na lang ang kanilang mga saloobin at ako na mismo ang magtatanong nito upang makarating sa ating mga mas nakatataas na awtoridad sa administrasyong ito.
Ganito kasi ang pangyayari nito lamang Linggo na ikinagulat ng maraming opisyal ng PNP na umuukupa sa matataas na posisyon.
Isa-isa nilang nalaman na “sibak” na sila sa posisyong inuukupa – sabi nga walang ha, walang ho-- at may kahalili na agad sila na mga opisyal din.
Ang ipinagsisintir pa ng mga ito, bakit ‘yung mga “mistah” o mga opisyal na PMAC-86 ay ‘di nasibak sa puwesto gayung may mga matitinding kaso na kasalukuyan pa ngang iniimbestigahan? Bakit ‘yung ibang ipinalit mga “mistah” din?
Ang isang halimbawa rito ay si BGen Rafael Santiago na regional director ng Region 10, na sinasabi nila na may “admin case for graft” noong PD siya sa Zambales -- kinasuhan siya ni Gov. Ebdane ng technical malversation of PNP items and equipment -- at dismissal from service ang naging hatol dito noong 2018, na naging six months suspension nito lamang Abril 2019. Anyare?
Heto pa – akusasyon ng “takipan blues” naman ng PMAC 86 pa rin –si BGen Samuel Rodriguez nasuspinde dahil sa isang kaso sa finance. Ngunit nang ma-served nito ang parusa, nabigyan pa ito ng TO position para makakuha siya ng star rank promotion na agad namang bumaba makaraan lang ang isang linggo. Hanep ‘di ba? Wala nang re-“entry procedure”, makaraan ang anim na buwan na suspension, naging DRDO PRO-8 at acting Dir, ITMS. Kapag PMAC-86 ka pala, may gantimpala para sa mga nagtatakip sa kasalanan ng marami.
Ang PMAC-86 ay siya ring pinanggalingan ng mga dating naging Chief PNP na sina DDG Ronald “Bato” Dela Rosa, na senator na ngayon; si MGen Oscar Albayalde, na ngayon ay naka-Non Duty Status (NDS) na dahil nahagip at nadurog siya sa Senate inquiry; at ang Officer in Charge (OIC) ngayon na si Lieutenant General Archie Gamboa.
At dahil nga OIC pa lamang si LGen Gamboa, isa sa mga pangunahing katanungan na lumutang sa Camp Crame ay kung sino ang nagbigay ng karapatan kay OIC Gamboa na mag-reshuffle sa buong PNP na kasing tindi ng ginawa niya – gayung ‘di ito nasasakop pa ng kanyang “powers.”
Pakiramdam ng nakararami sa mga nasibak – ginagamit lang sila sa “paandar” ni OIC LGen Gamboa kay Pangulong Rodrigo R. Duterte, upang siya na ang agad maitalaga na CPNP, sa araw ng pagreretiro sa serbisyo ni Albayalde sa Nobyembre 8, 2019.
May mga opisyal na ang pakiramdam naman ay “demoted” sila sa “reassignment order” na ipinalabas ni Gamboa kaya diretsahang hinarap at tinanong nila ito.
Ang paniwala ng marami, ang “rigodon” na ito ng mga opisyal ay pansariling desisyon lamang ni OIC Gamboa, at walang konsultasyon sa tinatawag na PNP’s Senior Officers Placement and Promotion Board, ang grupo ng mga senior PNP officials na nagdi-deliberate sa assignments at promotions ng mga opisyal.
Nagpakita kasi ng pagkadismaya ang Pangulo sa kahihiyang inabot ng liderato ng PNP – sa mala-zarzuela na Senate inquiry -- kaya nagpadaplis siya na kailangan nang ma-reshuffle ng todo ang PNP hierarchy. Ito marahil ang sinakyan ni LGen Gamboa para makuha ang buong tiwala ng Pangulo.
Anang mga antigong pulis na nakausap ko: Kung gusto ninyo talagang tumino ang PNP – ang unang-una na dapat ayusin ay ang mga ASSIGNMENT AT RE-ASSIGNMENT ng mga opisyal. Walang takipan ng mga “mistah”– pag-mali dapat ay mali at parusahan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.