PALIBHASA’Y matagal nang binabagabag ng problema sa paningin, lagi kong ginugunita ang World Sight Day -- hindi lamang minsan sa isang taon kundi sa lahat ng sandali hanggang sa ganap na magdilim ang aking mga paningin. Ang naturang pandaigdigang okasyon -- at ang iba pang selebrasyong kahawig nito -- ay isang epektibong hudyat upang pangalagaan at ingatan sa tuwina ang ating mga mata.
Hindi biro ang pagkakaroon ng problema sa paningin, lalo na ng mga katulad ko na ang dumapo, wika nga, ay glaucoma at hindi lamang ang katarata na karaniwang dinadanas ng marami nating mga kababayan. Ang glaucoma, laging sinasabi ng aming opthalmologist, isang eye specialist, ay isang sakit ng mata na maaaring mauwi sa pagkabulag o total blindness. Hindi lamang ito nararanasan ng katulad kong nakatatandang mamamayan kundi maging ng sinuman sa pamilya na may glaucoma history.
Matagal-tagal na rin nang ako ay inoperahan sa glaucoma sapagkat bumibilis na ang paglabo ng aking mga paningin; hindi na masyadong nakatutulong ang ginagamit kong reading glasses sapagkat ayon sa aking opthalmologist, unti-unti nang humihina ang mga optic nerve na tila pinalalakas lamang ng pinapatak na mga eye drops.
Sa paglalahad ng dinadanas kong eye deterioration, nais ko lamang paalalahanan ang ating mga kapatid sa propesyon at iba pang manunulat na pinaniniwalaan kong malinaw na paningin ang kailangan sa pagbabasa at pagsusulat ng iba’t ibang anyo ng panitikan. Sa lahat ng sandali sa ating journalistic career, mata ang ating armas na napapahinga lamang sa ating pagtulog.
Hindi marahil kalabisang banggitin na sa aking pagsusulat, halos nakadikit na sa makinilya ang aking mga mata -- nakatututok sa key board upang kahit paano ay mabawasan ang mga kamalian. Isa itong malaking kabalintunaan, lalo na kung isasaalang-alang ang makabagong teknolohiya na tulad ng computer at iba pang gadget ang ginagamit ngayon sa pagsusulat. (Ang ginagamit kong makinilya ay ipinauwi lamang sa akin ng Liwayway Publishing na kapatid na kompanya ng Manila Bulletin, kasabay ng aking pagreretiro bilang editor-in-chief ng pahayagang ito.)
Sa bahaging ito, tila nakadama ako ng paglinaw ng aking mga mata nang maulinigan ko sa media ang isinusulong na Vision Welfare Bill na binalangkas ni Senador Leila de Lima. Natitiyak ko na ito ay makapagpapagaan sa alalahanin ng katulad kong mabilis ang paglabo ng mga mata. Naniniwala ako na ito ay mabilis na uusad sa Kongreso, lalo na kung iisipin na milyun-milyon ang nabubulag at may karamdaman sa mata.
Ang pagsasabatas nito ay hihintayin hanggang sa ganap na magdilim ang aking mga paningin.
-Celo Lagmay