NANINIWALA ako na may malaking dahilan si Pangulong Duterte upang magpahayag ng pagkabigo at hinanakit sa Philippine National Police (PNP), lalo na sa ilang opisyal at tauhan nito na wala nang inatupag kundi kulapulan ng mga katiwalian at pagmamalabis ang marangal na imahe ng naturang ahensiya. At maaaring hindi lamang pagkabigo ang ipinaramdam ng Pangulo kundi panggagalaiti sa tinatawag na ninja cops na hindi lamang mga sugapa sa droga kundi kasangkot pa sa pagpupuslit at pagbebenta ng illegal drugs.
Sino nga naman ang hindi madidismaya sa PNP -- at maaring maging sa ilang opisyal at sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP ) -- na sinasabing nagwawalang-bahala sa katakut-takot na suporta na ibinubuhos sa kanila ng Pangulo? Hindi ba sila ay mistulang hinango sa paghihikahos nang doblehin ng Pangulo ang kanilang mga sahod? Bukod pa rito ang paglaan ng pondo para sa mga housing projects at pagpapatayo ng mga gusali at iba pang istruktura sa kani-kanilang mga kampo, at iba pang proyekto. Higit sa lahat, pinataas ang moral ng ating mga pulis at sundalo sa pamamagitan ng pagkikintal sa kanilang kaisipan ng wastong disiplina.
Hindi malayo na ang hinanakit at pagkabigo ng Pangulo ay nakaangkla sa pagkakadawit ng ilang opisyal at tauhan ng PNP sa drug smuggling na kainapapalooban ng bilyun-bilyong pisong shabu, tulad ng drug raid sa Pampanga na binusisi sa Senate hearing kamakailan. Isipin na lamang na ang nalantad na pagsasabuwatan ay sinasabing naganap sa tungki ng ilong, wika nga, ng PNP officials.
Hindi rin malayo na ang gayong situwasyon ang dahilan ng panggagalaiti ng Pangulo sa mga tiwaling pulis. Hindi ba kailan lang, tahasan niyang ipinahiwatig na maglalaan siya ng isang milyong piso sa makapapatay ng pulis na hindi lamang sugapa sa shabu kundi kasangkot pa sa illegal drugs. At tila pabiro niyang inutusan ang isang PNP official na lipulin at linisin sa droga ang isang siyudad sa Visayas.
Sa kabila ng gayong nakadidismayang mga eksena sa PNP at AFP, kahanga-hanga ang ipinamamalas na pagpapahalaga ng Pangulo sa naturang mga ahensiya. Gayon na lamang ang kanyang pakikiramay sa mga pulis at sundalo sa kanilang makabuluhan at makabayang misyon -- dinadalaw ang mga nasusugatan at napapaslang; pinararangalan at inaayudahan ang kani-kanilang mga mahal sa buhay. Dapat lamang asahan ang ganong pagmamalasakit sa ama ng ating bansa -- lalo’t siya ang commander-in-chief ng mga sundalo at pulis.
Gayunman, sa hindi kanais-nais na asal at pagtupad sa tungkulin ng nasabing mga lingkod ng bayan, hindi makatkat sa aking utak ang makatuturang aral ng isang pantas: Ang pagmamagandang-loob ay malimit suklian ng kawalan ng utang-na-loob.
-Celo Lagmay