DAHIL sa tila hindi humuhupang mga pag-aalinlangan sa implementasyon ng automated election system (AES), hindi ko ipinagtaka ang paglutang ng mga panukala upang kahit paano ay matamo ang malaon na nating hinahangad na HOPE (Honest, Orderly and Peaceful Elections). Ang naturang mga pagdududa ay sinasabing nalantad sa kainitan ng mga protesta at kontra protesta nina Vice President Leni Robredo at dating Senador Ferdinand Marcos, Jr. Ang usapin ay kasalukuyang binubusisi ng Presidential Electoral Tribunal (PET).
Simula nang ipatupad ang AES noong 2010 national and local polls, kabilang na ako sa mga nag-aalinlangan sa pagiging epektibo ng naturang sistema sa pagkakaroon ng malinis na halalan. Isipin na lamang na ito ay pinakilos ng vote counting machines (VCM) na ang binilang na mga balota ay hindi man lamang nasilip ng mismong mga botante. Hindi ba lumitaw sa mga protesta na isinampa ng mismong nabanggit na mga national candidates na maraming hindi nabilang na mga boto?
Noong 2010 elections, halimbawa, may mga haka-haka na may kandidato ang nakalusot sa AES sa pamamagitan ng umano’y manipulasyon ng VCM. Hanggang ngayon, ang naturang mga kandidato ay namamayagpag sa kani-kanilang mga kaharian.
Maaaring ang nakadidismayang situwasyong ito ang dahilan ng pag-usad ng panukalang-batas na inaasahang magpapatupad ng bagong sistema ng halalan -- ang tinatawag na hybrid election system (HES). Una itong pinalutang ni Senate President Vicente Sotto III at ngayon ay ni Deputy Speaker at Camarines Sur Rep. Luis Raymond Villafuerte.
Pangunahing probisyon ng naturang panukala -- ang HES -- ang manual voting and counting; ang resulta ng halalan ay ipadadala sa Commission on Elections (COMELEC) sa pamamagitan ng electronic transmission. Sa ganitong sistema, hindi ko maapuhap ang inaasahan nating matapat at malinis na halalan, lalo na nga kung iisipin na ang naturang sistema ay pakikilusin ng kombinasyon ng makina at ng mismong mga namamahala sa national at local polls.
Ang ganitong sistema -- ang manual elections -- ay matagal nang naging bahagi ng ating electoral system. Dangan nga lamang at ito ay nabahiran ng katakut-takot na dayaan at malalagim na mga eksena na lalong pinatindi ng pamamayani ng kasumpa-sumpang ‘guns, goons and gold’.
Upang matamo natin ang inaadhikang HOPE, talagang kailangan ang malinis, maayos at tahimik na pamamahala sa halalan. Ito ay pinaniniwalaan kong isang imposibleng alternatibo sa kapani-paniwalang eleksiyon.
-Celo Lagmay