MAAARING hindi pa kumpleto ang rehabilitasyon ng Mehan Garden sa pusod ng Maynila, subalit ang pangako ni Mayor Isko Moreno hinggil sa pagbubukas ng naturang liwasan ay natitiyak kong katuparan din ng pangarap hindi lamang ng mga Manilenyo kundi ng sambayanang Pilipino. Ang Mehan Garden ang itinuturing na sinaunang pasyalan ng mga mamamayan, lalo na ng mga senior citizen.
Ngayon pa lamang, matindi na ang aming pananabik na minsan pang masaksihan ang kagandahan ng Mehan Garden na una kong nasaksihan noong dekada 50. Ngayon pa lamang, nais na naming damahin ang tila pagbibirong pahiwatig ni Mayor Isko na ang naturang liwasan ay maihahambing kundi man makahihigit pa sa Ayala Triangle na pinaganda naman ng pamilya Ayala sa Makati City. “Mga senior citizens, puwede na kayong mag-zumba rito, fresh air,” tandisang pahayag ng Alkalde.
Sa kaalaman ng sambayanan, ang Mehan Garden na noon ay Hardin Botanico ay matatagpuan sa Liwasang Bonifacio – sa kinatatayuan ng monumento ni Gat. Andres Bonifacio – sa gilid ng Unibersidad de Manila. Isa itong lugar na ang ating mga kababayan ay maaaring makipag-usap, wika nga, sa kalikasan. Itinatag ito noong 1858 ng mga Kastila bilang isang liwasan na may tanim na iba’t ibang uri ng halaman.
Nagkaroon ng bagong anyo ang Mehan Garden noong dumating ang mga Kano na nagpasiyang ito ay gawing isang pasyalan. Noong 1913, ito ay ipinangalan kay John C. Mehan na noon ay namamahala ng mga parke sa Maynila.
Bagamat ngayon lamang ibinunsod ang ganap na rehabilitasyon ng Mehan Garden, maituturing itong isang higanteng hakbang, wika nga, lalo na kung isasaalang-alang ang pananabik ng sambayanan na damahin ang kaginhawahan at kasiyahan sa pagtungo sa mga liwasan. Isipin na lamang na ang naturang liwasan ay mistulang pinamayanan ng mga iskuwater at pinarumi ng tinatawag na mga vandals na pasimuno sa masasamang gawain sa liwasan at sa mismong mga palikuran o comfort rooms doon.
Makaraan ang maraming taon, tatangkain kong silipin ang dating kagandahan ng Mehan Garden – ang mga ilaw-dagitab na noon ay mistulang sumasabog sa liwasan sa kasiyahan ng ating mga kababayan. Ang katuparan ng mga pangako ni Mayor Isko ay katuparan din ng mga pananabik ng sambayanan.
-Celo Lagmay