BAGAMAT hindi pa naisasabatas ang panukala na magpapataw ng parusang pagkabilanggo sa sinumang magpapabaya o magpapalayas sa kanilang mga magulang, naniniwala ako na ito ay kakatigan ng mga mambabatas at maging ng mismong Pangulong Duterte na siyang lalagda sa naturang lehislasyon. Lalo na nga kung isasaalang-alang na sila at tayong lahat ay natitiyak kong may matayog na pagpapahalaga at pagmamahal sa ating mga magulang na pinagkautangan ng ating buhay.
Itinatadhana ng naturang panukalang-batas ang Parents Welfare Act of 2019 na binalangkas ni Senador Panfilo Lacson – na ang mga magulang na nilayasan ng kanilang mga anak ay maaaring magpetisyon sa husgado para sa support order laban sa kanilang supling na mabibigong magkaloob ng kailangang mga suporta. Ang mga anak na lalabag sa utos ng husgado – sa kanilang tatlong beses na pagkabigong tumalima sa naturang utos – ay papatawan ng isa hanggang anim na buwang pagkabilanggo at multang P100,000. Ang mga paglilitis sa gayong mga asunto na isasampa ng mga magulang ay libreng pamamahalaan ng Public Attorney’s Office (PAO).
Nakatutuwang mabatid na kaakibat ng naturang panukala ang pagtatayo ng Old Age Homes para sa nilayasang mga magulang na bukod sa matatanda na ay may mga karamdaman pa. At ang naturang mga istruktura na kahawig ng kasalukuyang mga Home for the aged, Tahanang walang Hagdan at iba pa, ay itatayo sa iba’t ibang lalawigan sa buong kapuluan.
Totoong marapat lamang patawan ng gayong mga parusa ang mga anak na suwail sa kanilang mga magulang – mga anak na hindi alintana ang mga sakripisyo ng kanilang mga magulang na namuhunan ng buhay at dugo upang itaguyod at bigyan ng maginhawang pamumuhay ang kanilang mga supling, at walang inaalagata kundi pabayaan at pagtaksilan ang mga kumandili sa kanilang kinabukasan.
Nakapagpapasulak ng dugo, wika nga, na gunitain ang isang malagim na insidente nang saksakin at patayin ng isang anak ang kanyang mga magulang dahil sa pagkalango nito sa illegal drugs.
Totoo rin naman, kung sabagay may mga magulang na nakalilimot din sa kanilang mga obligasyong moral para sa kanilang mga anak. Nakapagpapasulak din ng dugo ang pananampalasan ng ilang magulang sa kanilang mga supling – ama na gumagahasa at pumapatay rin ng kanilang mga anak. Kamakailan, halimbawa, isang ina ang buong kalupitang pumatay ng kanyang dalawang anak.
Lalong totoo na ang naturang nakakikilabot na mga eksena ay maituturing na mangilan-ngilan lamang o isolated cases; na ang ilan sa kanila ay naliligaw ng landas. Subalit naniniwala ako na anuman ang nagawa at inasal ng ating mga magulang – sila ay mga magulang pa rin natin; ang pagpapabaya at pagpapalayas sa kanila ay maituturing
-Celo Lagmay