MARAMING haka-haka ang naglabasan nang pumutok ang balita na may bago nang hepe ang Philippine National Police (PNP) sa katauhan ni Lt. Gen Archie Gamboa na itinalagang officer-in-charge (OIC) kapalit ng “bugbog-sarado” sa Senate inquiry na si General Oscar Albayalde.
Ang katanungan ng karamihan sa ating mga kababayan na sumusubaybay sa mala-telenobela na Senate inquiry: “Nag-resign, nag-retire o sinibak ba si General Albayalde bilang CPNP?”
Ang pagkalitong ito ng ilan sa ating kababayan ay bunga marahil ng iba’t ibang pahayag o pakahulugan ng mga mamamahayag hinggil sa isyung
nagaganap, na kagyat din na naipo-post sa mga social media site.
Ano nga ba talaga?
Balikan natin ang unang bahagi ng laman ng apat na pahinang pahayag ni Albayalde noong Lunes ng umaga, kasabay nang pagpapakilala kay Lt. Gen. Gamboa bilang OIC ng PNP.
“Over the weekend, I had the opportunity to talk to the DILG, Secretary Eduardo Año, about the events that have transpired in recent days, particularly the Senate investigation on the alleged “agaw bato” issue in which I am being implicated. After careful thought and deliberation, I have come to the decision to relinquish my post as Chief, PNP effective today and go on a non-duty status. I have submitted my letter of intent to Secretary Año which he accepted and favorably endorsed to the president. Since I am retiring compulsorily on November 8, 2019 this will pave the way for the appointment of my replacement should the President so desire.
Malinaw naman na hindi siya nagre-resign sa serbisyo, kundi binakante lamang ang mainit na puwesto ng CPNP, kasabay ng pagpasok niya sa NDS o non-duty status, na magtatapos sa kanyang compulsory retirement sa susunod na 23 araw. Malinaw rin na hindi siya sinibak dahil aabutin pa niya ang kanyang retirement date pagtungtong niya sa edad na 56.
Sa mga araw na si Albayalde ay nasa serbisyo pa rin, walang ibang opisyal ng PNP -- kahit na si Lt. Gen. Gamboa pa man na OIC – ang mapo-promote na Police General na siyang rank ng CPNP, dahil ang nakatadhana sa batas ay isa lamang ang dapat humawak sa rank na ito sa buong organisasyon ng mga pulis.
Isang halimbawa nito ay nang mabakbakan noon si dating CPNP Roberto Lastimoso – hinggil din sa droga ang naging isyu laban sa kanya – na napilitang bumaba sa puwesto bilang CPNP, ngunit nagpatuloy sa serbisyo sa pamamagitan nang pagpasok nito sa NDS. Resulta, ang iniupo ni President Joseph Estrada noon bilang CPNP niya ay si Sen. Panfilo Lacson, na isang Chief Superintendent pa lamang. Na-promote si Lacson ngunit ‘di niya agad nakuha ang Director General rank, hanggang sa mag-retiro si Lastimoso sa kanyang nakatakdang compulsory retirement date.
Ang inaabangan ko ngayon ay kung magtatagumpay ang pulitiko na sa aking palagay ay may pakana nang pag-atake na ito kay Albayalde, upang mapilitan itong bumaba na sa puwesto, at kasabay nito ay ang pagka-diskaril naman ng posibilidad na ang maa-appoint na CPNP, ay ang opisyal na irerekomenda ni Albayalde kay Pangulong Duterte sa araw ng pagre-retiro niya sa serbisyo.
Ang alam kong napipisil ni Albayalde na papalit sa kanya bilang CPNP ay si Maj Gen. Guillermo Eleazar – na para sa akin ay ang pinaka-qualified sa mga naghahangad na maupo sa tronong ito sa Camp Crame. Isa rin ito sa nasisilip kong dahilan kaya na “special ops” si Albayalde ng mga bata ng politikong ito na matagal nang may ambisyon na maging pangulo ng bansa subalit nadidiskaril.
Sana sa pagkakataong ito ay hindi bata-bata system ang masunod sa pagpili ng CPNP, bagkus ay ang tamang proseso na ang basehan ay ang “track record, service reputation at mga meritorious promotion at assignment” ng isang kandidatong opisyal ng PNP!
‘Pag nasunod ang panuntunang ito – walang duda na si Eleazar ang susunod na bossing ng PNP!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.