KUNG hindi nagkakamali ang aking pang-amoy, ang nangyayaring paggiba kay General Oscar Albayalde, Philippine National Police (PNP) chief, sa animo telenobela na Senate inquiry, ay alingasaw nang paparating na 2022 election.
At dahil dito, tiyak na ang pangunahing dahilan nng walang humpay na pagbakbak kay Albayalde, ay pakana ng isang nag-aambisyon na tumakbo sa pagka-pangulo sa darating na halalan sa Mayo 9, 2022 na may minamanok na isa namang ambisiyosong opisyal na pulis na gustong maging CPNP.
Malaking bagay kasi na bata ng isang presidentiable ang magiging CPNP dahil sa importanteng papel na ginagampanan ng buong
organisasyon ng mga pulis tuwing eleksiyon.
Kaya ito palagi ang unang inaasinta ng gustong tumakbong pangulo – ang maging bata nito ang mauupo o nakaupong CPNP -- upang makontrol niya at magamit ang mga pulis sa panahon ng malawakang pangangampaniya sa buong bansa.
Ngunit sa nangyayaring ito, ay hindi naman nangangahulugan na komo binabakbakan si Albayalde ay ‘di na totoo ang mga alegasyon laban sa kanya.
Kadalasan kasi ay may bahid katotohanan ang ibinabato sa nakaupong CPNP – na palagi na lamang tungkol sa proteksiyon-raket sa ilegal na droga at pasugal (R.A.-1602) na milyones ang ipinapasok sa bulsa nito -- dahil ang mga nag-aakusa ay nakasama niyang “tumabo” sa ibinibintang sa kanyang kasalanan.
Lumakas lamang ang loob ng mga nag-aakusa na lumutang dahil nakatitiyak na ‘di sila masasama sa tatamaan kapag natupad ang kanilang pakay – ang ilaglag ang nakaupong CPNP – bagkus ay makakukuha pa sila ng magandang posisyon sa PNP kapag aktibo pa sa serbisyo, ‘di kaya naman ay puwesto sa gobyerno kapag ito ay retirado na.
May mga pagkakataon pa nga na ang naglutangan na nag-aakusa ay mga dating contender din sa mahahalagang posisyon sa PNP na hindi nila nakuha dahil ang napaboran ay ang opisyal na binabanatan nila ngayon.
Ang ilang nabakbakan na CPNP na talagang inosente sa ibinibintang, may DELIKADESA kaya agad nagbibitiw sa puwesto upang hindi maapektuhan ang buong organisasyon.
Ang nakaiinis lamang dito ay ang katotohanan na kahit na alam na alam sa buong organisasyon ang kapalpakan ng isang opisyal na pulis, ay nakukuha pa nito ang puwesto ng CPNP dahil sa malakas na impluwensiya ng backer nitong opisyal ng gobyerno o mga pulitiko.
Yun lang siguradong sa huling tatlong buwan nito sa panunungkulan, sa sinasabing pagpasok nito sa Non Duty Status (NDS) uulan na ng pagbatikos sa naturang opisyal at kung anu-ano pang akusayon – may kasama pa nga palagi na Senate o Congressional inquiry, hanggang malaglag ito sa puwesto.
Ang talagang nagkapag-iinit ng ulo sa puntong “on going inquiry” ay kadalasan nang nagagamit ito upang ipasok ang isang isyu sa gitna ng isang mainit na talakayan na sinusubaybayan ng ating mga kababayan. Resulta – nawawala sa eksena ‘yung mainit na paksa at biglang malilipat sa isyu na magpapa-init sa puwit ng isang nakaupong opisyal sa pamahalaan, gaya ng sa CPNP.
Gaya nga nitong nangyayari sa Senate inquiry na pinangungunahan ni Sen. Richard Gordon – ang mainit na paksa hinggil sa pagpapakawala sa mga nakakulong na notorious na kriminal sa ilalim ng Bureau of Correction (BuCor) ay biglang nawala sa eksena, at natabunan ng isyu hinggil sa mga “Ninja cops” na mga bata umano ni Albayalde.
Sa tingin ko – “two birds in one shot” ang resulta ng Senate inquiry na ito.
Siguradong laglag na rito si Albayalde. Ngunit siguradong apektado rito, ang alam ko na inirekomenda niya na maging kapalit sa kanyang pagreretiro sa Nobyembre 8, 2019 na si Maj Gen Guillermo Eleazar, na sa tingin ko ay gusto ring gibain ngunit wala lang makuhang negatibong intel report laban dito.
Lalo pa nga’t na promote na si Eleazar bilang Chief Directorial Staff (TCDS), ang pang-apat na pinakamataas na posisyon sa PNP.
Hulaan tayo – kung sino sa maiingay na mga pulitiko ang may ambisyon sa 2022 at malamang na nasa likod ng “special ops” na ito laban kay Albayalde…GAME!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.