SA mga patakaran at direktiba na inilatag ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kabilang na ang local government units (LGUs), wala na akong makitang dahilan upang hindi maibsan ang mga pagdurusang pinagtitiisan ng mga magbubukid; mga problema na nagpapabigat sa sambayanan, kabilang na rito ang Rice Tariffication Law (RTL) na ipinanggagalaiti ng ating mga kababayang magsasaka.
Nakatutuwang gunitain na inatasan kamakailan ni Pangulong Duterte ang National Food Authority (NFA) upang bilhin lahat ng aning palay ng mga magbubukid kahit na malugi nang bahagya ang naturang ahensiya. Nangangahulugan na obligadong kumilos ang mga galamay ng NFA upang bilhin ang naturang mga produkto sa presyong nakapagpaluwag, kahit paano, sa magbubukid lalo na kung ang mga palay ay pinatuyo at maganda ang kalidad.
Masyadong nakababahala ang pagbagsak ng presyo ng palay na bumaba ng hanggang pitong piso isang kilo. Naging dahilan ito ng pagkasira ng loob, wika ng mga magsasaka na ang karamihan ay nagpasiyang umurong na sa pagbubungkal ng bukirin, ang ilan ay nagpahiwatig na ibebenta na lamang nila ang kanilang sinasaka upang humanap ng ibang mapagkakakitaan.
Ang gayong problema ay sinagip naman ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng pagdoble sa taripa ng inaangkat na bigas sa ilalim ng RTL. Binigyang-diin ni DA Secretary William Dar na mula sa 35% tariff, ito ay magiging 70% lalo na kung ang bigas ay inangkat sa Southeast Asian countries. Magiging 100% naman ang taripa kung ang bigas ay manggagaling sa ibang bansa.
Naniniwala ako na ang gayong legal na mga pamamaraan upang mistulang higpitan ang importasyon ng bigas ay bunsod ng hangarin mapangalagaan ang ating mga magbubukid, lalo na ngayon na panahon ng anihan. Isa pa, labis-labis na ang pagdagsa sa mga pamilihan ng imported rice na naipagbibili sa mababang halaga -- sa kapinsalaan naman ng ating mga magsasaka.
Ang ganitong mga pagsisikap ay nakatutuwang sinusuportahan naman ng LGUs, kabilang na rito ang aming lalawigan sa Nueva Ecija. Sinimulan na rin ni Gob. Aurelio Umali -- sa pamamagitan ng Provincial Food Council (PFC) ang pamimili ng palay sa mga magsasaka bilang pagtalima sa direktiba ni Pangulong Duterte.
Maaaring hindi pa nadadama sa aming bayan sa Zaragoza, sa aming lalawigan, subalit napag-alaman ko na mismong ang aming gobernador ang umiikot at pinangungunahan ang pagbili ng palay sa mga barangay -- sa presyo na higit na mataas kaysa sa umiiral na farmgate prices ng naturang produkto.
Ang gayong mga pagsisikap upang pahinain ang epekto ng RTL na halos sumpa ng ating mga kababayang magsasaka. Naniniwala ako na ito ay magpapagaan sa mga pagdurusang bumabagabag hindi lamang sa mga magbubukid kundi sa sambayanang Pilipino.
-Celo Lagmay