PAGKAAWA na may kakambal na paghanga ang nararamdaman ko para sa bagong halal na mga batang pulitiko na nagpabagsak sa mga nakalaban nilang ilan dekada na sa puwesto.
Bakit nga ba sila nakaaawa? Mantakin mo naman, kauupo pa lamang ng mga ito sa puwesto –gaya nitong si Mayor Francis Zamora ng San Juan -- ay may minana nang utang mula sa nakaraang administrasyon.
Lampas-tao ang problema, dahil ang bilyones na pera ng bayan -- ang sari-saring pondo para sa mga proyektong halos tapos na, uumpisahan pa lamang at wala pa – ay ‘di na niya maapuhap kung paano ginamit at saan napapunta!
Mabuti na lamang at sanay sa paggamit ng mga makabagong gadget ang mga batang empleyado na nakapaligid ngayon kay Mayor Francis, kaya agad din nilang nabuking ang mga gumagawa ng anomalya.
Gumugulong na ang imbestigasyon hinggil dito, at pinalitan na ni Mayor ang mga namumuno sa naturang departamento upang mapabuti ang tax collection sa siyudad.
Inaasikaso na rin ang mga naunsiyaming pagpapagawa at pagtatayo ng mga pampublikong paaralan at mga health centers na inilapit sa mga barangay.
Ngunit iba talaga ang takbo ng utak ng mga batang halal na pulitikong gaya ni Mayor Francis, sa halip na manisi at magtuturo ng kung sinu-sino, pinagana ang isip at kanyang connection sa iba’t ibang departamento ng pamahalaan upang matapos ang mga hindi pa tapos na proyekto na kanyang inabutan at makapag-umpisa naman ng brain child niya na mga infrastructure para sa taga San Juan.
Resulta – sa loob lamang ng tinatawag na “first 100 days” matapos niyang mahalal bilang mayor – pinapalakpakan ng mga ‘di makapaniwalang mamamayan ang naging makabuluhang resulta ng makataong pamamalakad ngayon sa San Juan.
Kasama na rito ang hinggil sa pagiging transparent ng lahat ng “business transaction” na napapaloob sa pinirmahan niyang Executive Order (EO) No. 1.
Sumabay na rin ang San Juan sa clearing operations sa mga pangunahing lansangan upang makatulong sa pagluwag ng daloy ng trapiko sa Metro Manila, kahit na ito ay naging dahilan ng malaking kabawasan sa kinikita ng siyudad mula sa mga nagbabayad ng parking fees. Umaabot kasi sa P2.5 million buwan-buwan ang collection mula rito.
Ito ang todo pinalakpakan ng mga tao – isang 22-storey condominium na binubuo ng 396 rooms na may sukat na 29 square meters, para sa mga mahihirap na taga-San Juan, na nagsisikap na makaalis sa mga lugar ng illegal settlers sa siyudad. Rent-to-own ang mga ito na may “reasonable amortization for prospective residents” na taal na taga-San Juan.
Ang good news sa mga millenials, naumpisahan na ang libreng WiFi na tatamasahin sa 21 barangay, at may bilis na 400 mpbs para sa buong siyudad at 10 mbps sa mga access site. Matatapos ang proyektong ito sa susunod na taon.
Kung ang lahat ng ito ay nagawa ng administration ni Mayor Francis sa loob lamang ng “first 100 days” -- marahil kaabang-abang ang mga magagawa pa niya at ng buong team sa susunod pang mahigit na dalawang taon!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.