ISANG matandang kasabihan, na madalas kong marinig noong aking kabataan: “Pagkahaba-haba man ng prusisyon sa simbahan rin ang tuloy.”
Tila yata ganito ang patutunguhan sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa anomalya sa pagpapatupad ng RA 10592, o Good Conduct Time Allowance (GCTA) law.
Bakit ka n’yo? Nagsimula ang imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee na pinamumunuan ni Senador Richard Gordon sa kontrabersiyal na pagpapalaya ng mahigit sa isang libong pusakal na kriminal mula sa mga bilangguan ng bansa. Natapat sa spotlight sina Nicanor Faeldon na nagbitiw dahil sa matinding batikos na inabot sa publiko at maging si Senador Bato dela Rosa ay tinamaan. Kapwa kasi sila ang dating hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na may control sa mga bilangguan sa buong bansa.
Sumanga ang pagsisiyasat sa “GCTA for sale” na raket sa bilibid na tinatampukan ni Yolanda Camelon na nagbayad umano ng P50,000 sa ilang kawani ng BuCor upang makalaya ang nakabilanggong asawa. Bagaman nagbayad, hindi nakalaya ang asawa ni Camelon. Hindi masyadong tumingkad ang isyu sa publiko kahit na nasuspinde ang ilang kawani ng BuCor dahil sa pagkakasangkot nila sa napabalitang GCTA for sale.
Muling sumanga ang imbestigasyon ni Gordon. Nawala ang matinding init kay Faeldon at dela Rosa, at ang bumulaga sa publiko ay ang kontrabersiyal na kuwento hinggil sa mga tinaguriang “ninja cop” o mga pulis na sangkot sa tinatawag na recycling ng mga nasamsam na ilegal na droga. Dito lumutang ang pangalan ni CPNP Oscar Albayalde na napaglaruan ng netizen na tawaging “Arboryalde” dahil sa umano’y pang-aarbor nito sa mga tauhan na nasangkot sa “recycling issue” sa Pampanga noon pang 2013.
Sa hindi inaasahang biglang pagkambiyo ng pagsisiyasat ng komite ni Gordon, matinding batikos ang inabot ni Albayalde sa isyu. Kaliwa’t kanan ang daluyong ng mga maaanghang na salita laban kay Albayalde sa social media. Mistulang hinatulan na si Albayalde sa hukuman ng opinyong publiko.
May usap-usapan sa Camp Crame at maging sa mga istasyon ng pulisya sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila ang posibilidad na maaaring kaugnay ang Senate inquiry na ito ni Gordon sa nakatakdang pagreretiro ni Albayalde bilang CPNP sa Nobyembre 8, 2019 – ang tatamaan dito ay siyempre ang papaboran niyang papalit sa kanyang puwesto na sa aking palagay naman ay sino pa nga ba, eh ‘di Maj. Gen. Guillermo Eleazar, ang hepe ng PNP/NCPRO.
May ibang contender yata sa posisyon na hindi mapakali at gustong masungkit ang naturang puwesto kaya’t binira si Albayalde, para ang tamaan ay si Eleazar na irerekomenda nito, na para sa akin – ay ang pinaka-qualified sa mga iba pang umaasinta para maging CPNP.
Kung pupulaan si Albayalde, pahihinahin ng ibang paksyon sa PNP ang lakas ng kanyang rekomendasyon sa Pangulong Rodrigo Duterte – at ito umano ang talagang pakay ng mga kalaban nito.
Mahusay ang record ni Eleazer bilang isang opisyal ng PNP. Hindi matatawaran ang kanyang angking galing at kasanayan sa paghawak ng timon ng bawat puwesto na napunta sa kanya. Maganda ang relasyon niya sa iba’t ibang sektor ng lipunan, at malalim ang pang-unawa sa pribadong sektor. Para talaga sa akin – siya ang may “K” na maging kapalit ni Albayalde.
Nang makabulungan ko siya noon sa aming news Forum na Balitaan sa Maynila, nalaman ko na ang isa sa mga adhikain niya ay magkaroon ng “internal cleansing” sa hanay na pulisya. Sa ganang kanya, kailangan linisin ng PNP ang kanilang hanay upang mapanumbalik ang tiwala ng taumbayan sa PNP.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.