Joker
Nitong nakaraang Linggo, Oktubre 3, ipinalabas na sa mga sinehan ang pelikulang “Joker”. Isang prequel movie na inaasahang magiging blockbuster na pelikula.
Ngunit hindi ito ang Joker na nais kong talakayin. Nitong Oktubre 5 ang ikaapat na taong anibersaryo ng kamatayan ng Joker na taliwas sa karakter na kalaban ni Batman—si Joker Arroyo. Taong 2015 nang pumanaw siya sa Estados Unidos at tulad ng nais niya noong nabubuhay pa, walang naganap na seremonya bilang pagkilala sa kanya sa Senado man o sa Kamara de Representantes kung saan siya nagsilbi bilang isang tunay na lingkod-bayan.
Hindi natin dapat hayaang makalimutan ng mundo ang intelektuwal na katapangan at masidhing independensiya ni Joker. Bilang isang lingkod-bayan, ang kanyang rekord ang dapat na maging pamantayan sa pagsukat sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan. Hindi natin dapat hayaan na malipasan lamang ng panahon at maipagkait sa ating mga kabataan ang malaking aral mula sa buhay ni Joker. Batid kong mas tanyag ang Joker na kalaban ni Batman kumpara sa Joker na kilala ko ngunit ang kanyang buhay ay higit na katangi-tangi kumpara sa anumang karakter sa komiks na alam ko.
Ang kanyang katalinuhan at personalidad ay tumatapat lamang sa kanyang simplisidad. Kahit pa may pondong inilalaan para sa kanyang opisina, halos siya lamang ang nagsosolo sa Kongreso, na gumaganap bilang sarili nitong manunulat, publicist at staff. Mahigpit niyang nilabanan ang kurapsyon sa pamahalaan at ipinagtanggol ang ating demokrasya. Bilang kaibigan, isa siyang maalalahanin, mabait at tapat. Tulad ng isang leon na ipinagtatanggol ang kanyang grupo, matapang niyang ipinaglalaban kung ano ang tama.
*****
Hari
Nitong nakaraang Biyernes, Oktubre 4, pumanaw na sa edad na 84 ang beteranong aktor, direktor at artista sa teatro na si Antonio “Tony” Mabesa. Ikinokonsidera siya bilang hari ng Philippine theater dahil sa matagumpay nitong karera sa loob ng 70 taon kung saan siya gumanap sa halos 170 pagtatanghal. Siya rin ang nagtatag ng Dulaang UP at ang UP Playwrights Theater.
May mahabang kasaysayan ang teatro sa Pilipinas. Dati itong ginamit bilang lunsaran ng rebolusyonaryong ideya at paglalarawan ng kalagayan ng lipunan. Si Tony Mabesa, ang “the Lion of the Theater”, ay isang matibay na bahagi ng pagkilalang ito. Ang kanyang talento, pamumuno at katauhan ay lubos na hahanap-hanapin.
*****
Reyna
Mantinding pagluluksa ang pinagdaraan ngayon ng industriya ng entertainment sa Pilipinas nang ang balita sa pagpanaw ni Tony Mabesa ay sinundan pa ng pagkamatay ng isa pang haligi ng pelikulang Pilipino, si Amalia Fuentes, na pumanaw na sa edad na 79 nitong Sabado, Oktubre 5.
Isa sa mga reyna ng Philippine entertainment, na tinaguriang Elizabeth Taylor ng Pilipinas, naging kakabit na si Amalia Fuentes ng mga pelikulang likha ng Sampaguita pictures. Natatandaan ko pa na napanood ko siya sa hindi mabilang na mga pelikula, kasama ang kanyang katambal noong si Juancho Gutierrez at ang marami pang ibang mga tanyag na aktor tulad nina Fernando Poe Jr., Joseph Estrada, Eddie Gutierrez at Romeo Vasquez. Maging makalipas nito ay nasisilayan ko pa rin siya sa mga lumang pelikulang Pilipino na ipinalabas sa telebisyon.Ang kanyang kagandahan na para sa akin ay isang “classic beauty” na hindi kumukupas kahit pa nagka-edad na. Sa 130 pelikula niyang ginanapan, nagwagi siya bilang FAMAS Best Actress noong 1966 at sa 1973 Manila Film Festival.
*****
Dalawang pagkamatay at isang pag-alaala sa yumaong kaibigan ang nagpapahintulot sa atin pamunihan ang ating sariling kamatayan at higit na mahalaga, ang ating buhay dito sa mundo. Paano na mapahahalagahan ang mga naiwang legasiya nina Tony, Amalia at Joker? Sa pagsisiguro na ang kanilang mga ginampanan at ipinaglaban ay mananatili sa ating alaala.
Tulad ng sinabi ni Henry David Thoreau, “On the death of a friend, we should consider that the fates through confidence have devolved on us the task of a double living, that we have henceforth to fulfill the promise of our friend’s life also, in our own, to the world.”
-Manny Villar