HUWAG lang haluan ng maduming kalakaran ng pamumulitika rito sa bansa ang hanay ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) nasisiguro kong mahihirapan makalusot ang mga opisyal ng pulis na mababato ng mababahong alegasyon ng korapsyon gaya nang mga nangyari na noon na naulit na naman ngayon.
Sa ngayon kasi ang promotion ng mga nasa Philippine National Police (PNP) at sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ay kitang-kita naman na may bahid ng politika, kaya tuloy ang dapat na loyalty sa bansa at bandila ay nararamdaman natin na pumapangalawa lamang sa nagluklok sa kanila sa puwesto.
At ito ay kitang-kita sa liderato ng PNP – na mga “never heard officer” na bigla na lamang bubulaga sa madla, mula kung saan at uupo sa mataas na puwesto. Yung mga qualified– batay sa merits, demerits at accomplishments – napapanganga na lamang dahil sa haba ng listahan na kasama sila, ang pumasok ay ni ‘di nabanggit sa lista.
Yan naman ang katotohanan sa pilian ng magagandang puwesto sa PNP – kung sino ang malakas, ang may kakilalang matikas na mga pulitiko na nakadikit sa palasyo ang siyang naupo sa trono!
May alam nga ako, isang matikas na Heneral, miyembro rin ng PMA Class 1986, personal na sumulat kay Pangulong Rodrigo R. Duterte na may petsang September 26, 2019, at inirerekomenda ang kanyang sarili para maging susunod na CPNP. Bahagi ng kanyang introduction: I believed I am most qualified to lead the 201,294 strong PNP…”
Siguro, kaya niya (Heneral na sumulat) ginawa ito ay dahil wala na siyang tiwala na masasama ang kanyang pangalan na may initial na GC – as in gift certificate -- sa listahan ng mga papalit kay Albayalde, sa nakatakdang pagreretiro nito sa darating na Nobyembre 18 – kung hindi siya mapupuwersa na iwan ang pagka CPNP sa mga patung-patong na alegasyon sa kanya sa Senate hearing.
Sa totoo lang, nang maging reporter ako at ma-assign sa defense beat – Camp Aguinaldo at Camp Crame -- simula noong dekada ‘80 halos lahat ng naging CPNP ay niyugyog, at nasalang pa sa imbestigasyon sa Kongreso at Senado, mga tatlong buwan na lang bago sila magretiro. Ang mga alegasyon ay parating hinggil sa droga at illegal gambling.
Sa paniwala ng marami, kasama na ako roon, kagagawan ito ng mga kampo ng mga contender sa mababakanteng posisyon ng CPNP upang mapadali ang pagbaba ng naka-upo na palaging tinatapos ang buong termino.
Kadalasan kasi, sa halip na mag-undergo ng tinatawag na Non-Duty Status o NDS – tatlong buwan bago ang nakatakdang retirement -- na isang alituntunin na dapat sundin ng mga nakaupong pulis at militar ay binabalewala lamang ito ng mga incumbent at “isinasagad to the bones” ang kanilang serbisyo!
May mga kakilala akong opisyal na kusang bumaba sa serbisyo, hindi dahil guilty sa mga alegasyon, ngunit dahil gustong proteksyunan ang imahe ng buong organisasyon dahil alam nilang agad titigil ang mga pagbanat kapag nabakante na ang puwesto.
Ang matindi rito ay kapag may talagang nakatagong “bala” (ebidensiya) laban sa inaakusahang opisyal ng PNP gaya ng nangyayari ngayon kay General Oscar Albayalde na sa aking obserbasyon ay tila hirap na hirap ipagtanggol ang kanyang sarili sa Senate Inquiry dahil maraming daliri – mula sa mga dating tauhan, mistah at kaibigan -- ang nakaturo na ngayon sa kanya.
Ngunit ito naman ang may kalalimang tanong sa akin nang nakakuwentuhan kong retiradong matinik na operatiba ng PNP: “Napansin mo ba na ‘yung mga nakaturo ang isang daliri kay Albayalde ay mas marami ang daliri nito na nakaturo sa sarili nila? Naintriga naman ako rito!
Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]
-Dave M. Veridiano, E.E.