PILOT episode na simula ngayong Monday sa GMA Afternoon Prime ng seryeng Madrasta, na title role ang tinaguriang “Newest Gem of Drama” ng GMA Network, si Arra San Agustin. First time itong gaganap ng isang mas mature role si Arra na isang produkto ng original artista talent search na StarStruck. First project niya sa GMA ay ang Encantadia at ang sumunod ay ang My Special Tatay with Ken Chan. Kung nagsimula siyang lead actress doon, nabago ang story ng serye at naging lead actress later on si Rita Daniela.
Pero ngayon ay bawing-bawi si Arra sa bago niyang project na makakatambal naman niya si Juancho Trivino na first time ring binigyan ng lead actor status ng GMA. Ano ang naramdaman niya nang magkaroon na sila ng story conference ng serye?
“Natuwa po ako talaga, finally, na-excite ako sa character na gagampanan ko, pero may naramdaman din po akong pressure, dahil ayaw ko pong ma-disappoint ang management sa pagbibigay nila sa akin ng big opportunity na ito,” sabi ni Arra sa mediacon. “Kaya after po ng storycon namin, nag-research na ako sa role ng isang madrasta, isang mabait na madrasta po ako rito, pero palaban ako sa nanay ng mga anak ni Juancho, si Katherina (Thea Tolentino).
“Natuwa rin po kami ni Juancho dahil nagkaroon kami ng chance na maka-attend ng acting workshop kay Anthony Bov, bago kami nagsimulang mag-taping. At todo-bigay nga po ako sa mga eksena dahil magsisimula ito na isa akong nurse na gustong magtrabaho abroad para sa kanyang pamilya, pero naloko siya ng recruiter at bumagsak akong isang nurse sa RejuveNation Clinic ni Sean Ledesma (Juancho) na siyang nakakita sa nangyari sa akin sa airport nang hindi nga ako pinayagang makaalis ng bansa. Doon po magsisimula ang story ko at love story namin ni Sean, pinakasalan at naging madrasta ako ng mga anak niya until bumalik si Katharina at ginulo niya kami. Expect na po ang kasunod na mga catfights namin ni Katherina at hindi ko po siya uurungan.”
Mukha namang kayang-kaya ni Arra ang role ni Audrey, ang madrasta based sa full trailer na ipinakita sa mediacon.
Sa direksyon ni Monty Parungao, world premiere na mamayang hapon ng Madrasta, pagkatapos ng Prima Donnas.
-NORA V. CALDERON