MAKABAGBAG-DAMDAMIN ang pahiwatig kamakalawa ng ilang magulang na may mga anak na kadete sa Philippine Military Academy (PMA): Nais nilang alisin sa naturang military institution ang kanilang mga supling. Natitiyak ko na ang kanilang pangamba ay nakaangkla sa malagim at madugong hazing sa naturang akademya na ikinamatay kamakailan ni Cadet 4th Class Dexter Domitorio.
Hindi malayo na ang pagkabahala ng ilang magulang ay mistulang pinagliliyab din ng iba pang nakakikilabot na hazing na gumulantang sa atin – mga initiation rites na may kaakibat na makahayop na parusa sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad na ikinamatay rin ng ilang miyembro ng mga fraternity. Nakapanggagaliti na umiiral ang ganitong barbaric initiation sa kabila ng mahigpit na pagpapatupad ng anti-hazing law (AHL).
At hindi rin malayong lalong umigting ang pagkabahala ng mga magulang dahil, marahil, sa pahayag ng Pangulong Duterte na talagang hindi maaalis ang hazing, maliban na lamang kung aalisin din ang mga fraternity sa mga pamantasan. Sa kabila nga ng pag-iral ng AHL, walang pangingimi na inamin ng Pangulo na siya man ay dumanas din ng gayong sistema ng pagpaparusa.
Naniniwala ako na ang initiation – ang sistema ng pagpaparusa sa mga neophyte – ay dapat isagawa upang sila ay maging lehitimo o kuwalipikadong frat member. At pinaiigting ang ganitong sistema upang hubugin ang kinauukulang mga neophyte sa wastong disiplina – at sa iba pang mabuting pag-uugali – na natitiyak kong adhikain din ng kani-kanilang mga magulang. Matatamo ang tunay na disiplina hindi sa pamamagitan ng nakamamatay na hazing kundi sa lagi kong pinaniniwalaang psychological initiation na kinapapalooban ng mga pagsubok sa karunungan at kaalaman ng mga neophyte sa makatuturang bagay.
Ang nabanggit na pagkabahala ng mga magulang ay pinaniniwalaan kong pinahupa ng paniniyak ni Acting Commandant of Cadets (CoC) Brig. Gen. Romeo Brawner, Jr. na hindi na magaganap sa PMA ang makahayop na hazing. Kaakibat ito ng paglalatag niya ng mga patakaran para sa seguridad at kapakanan ng mga kadete. Dapat lamang asahan ang pagkakaroon ng positibong resulta ng kanyang pamamahala sapagkat siya mismo ay dumaan sa mahihigpit na pagsubok nang siya ay nag-aral sa nasabing akademya.
Tama lamang na tiyakin ng bagong CoC ang pagpapaigting ng honor code na bumibigkis sa mga kadete: Do not lie, cheat, steal, nor tolerate among us those who do so.
Sa totohanang implementasyon ng naturang mga patakaran, naniniwala ako na maiibsan ang pagkabahala ng mga magulang; at mapapawi sa kanilang kamalayan ang mistulang pagpapabaya at malupit na pagpapahirap sa kanilang mga anak na kadete – kaakibat ng malagim na pagdisiplina.
-Celo Lagmay