BAGAMA’T hindi pa nilalagdaan ni Pangulong Duterte ang iniulat na Executive Order (EO) na magpapatupad ng maximum retail price (MRP) sa iba’t ibang medisina, naniniwala ako na ito ay isa na namang hulog ng langit sa sambayanan, lalo na sa katulad naming hindi na halos iniiwan ng iba’t ibang karamdaman; dagdag na biyaya ito para sa nakatatandang mamamayan o senior citizens na umaasa lamang sa mga gamot upang humaba-haba pa ang buhay.
Isipin na lamang na sa inilalatag na EO, tatapyasan ng mahigit na kalahati o 53 porsyento ang presyo ng mga gamot sa diabetes, sakit sa puso at iba pa – mga medisina na lubhang kailangan ng mga masasakitin subalit hindi nabibili kaagad dahil sa kataasan ng presyo ng mga ito. Ngunit kailangan pang puspusang suriin ng Department of Health (DoH) ang mga gamot na sasaklawin ng MRP – mga halaga na dapat itakda sa mga gamot na branded o generic. Makabuluhang mga detalye ito na bubusisiin bago lagdaan ang naturang kautusan.
Ngayon pa lamang, naniniwala ako na ang planong EO ay aalmahan ng botika, lalo na ng mga drug manufacturers. Hindi maliit na halaga ang tatapyasin sa ibinebenta nilang mga gamot, lalo na kung iisipin na malaki rin ang puhunan sa paggawa ng mga ito. Matindi rin ang kumpetensiya sa gayong pagnenegosyo.
Dahil dito, hindi malayo na kumilos, wika nga, ang lobby money upang pahinain, kahit paano, ang epekto ng napipintong EO. Ibig sabihin, maaaring magkaroon ng pakiusapan sa pagitan ng DoH at ng mga drug company upang magkaroon ng timbang na implementasyon ng MRP.
Anuman ang kahihinatnan ng posibleng mga negosasyon sa pagitan ng gobyerno at ng pribadong sektor, hindi dapat magpaumat-umat sa pagpapalabas ng naturang kautusan. Hindi dapat magkaroon ng balakid sa pagpapalawig, wika nga, ng hulog ng langit.
Magugunita na ang Universal Health Care Law (UHCL) ang maituturing na pinakamatinding hulog ng langit hindi lamang para sa mga senior citizen kundi sa sambayanang Pilipino; katakut-takot ang benepisyo na matatamo sa naturang batas. Kabilang dito ang libreng pagpapa-ospital, libreng gamot at iba pang medical at laboratory services.
Hindi ko matiyak kung kailan ganap na maipatutupad ang naturang EO; hindi ko rin matiyak kung binalangkas na ang implementing rules and regulation (IRR) ng UHCL. Subalit isang bagay ang tiyak: Ang nasabing mga hulog ng langit ay isang matinding biyaya sa ating mga kababayan, lalo na sa katulad naming nasa dapit-hapon na ng buhay.
-Celo Lagmay