SA matinding patutsadahan na may kaakibat na sisihan, turuan at mistulang pagduduruan ng mga dati at kasalukuyang opisyal ng Philippine National Police (PNP), gusto kong maniwala na nalantad ang maituturing na mga utak sa pagsabotahe sa kampanya ng Duterte administration laban sa illegal drugs. Sa magkakasunod na Senate hearing kaugnay ng naturang masalimuot na isyu, nabulgar din ang pamamayagpag ng tinaguriang mga ninja cops na sinasabing tumatango lang sa kumpas ng matataas na opisyal na pasimuno sa mistulang paglumpo ng anti-drug campaign.
Sa nabanggit na pagdinig sa Senado, hindi ko inaasahan na sina PNP Chief Oscar Albayalde, General Benjamin Magalong (ngayon ay Alkalde ng Baguio City) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino ay mistulang nag-uusigan; nagpapalitan ng matitinding pagbibintang hinggil sa masasalimuot na operasyon laban sa mga bawal na droga; mga operasyon na kinapapalooban ng milyun-milyong halaga ng shabu na nakukumpiska sa mga druglords. Lumitaw na katuwang sa naturang tiwaling operasyon ang ilang ninja cops na pinangalanan sa Senate hearing.
Kung isasaalang-alang na sina Albayalde, Magalong at Aquino ay pare-parehong produkto ng Philippine Military Academy (PMA), tila hindi nga kapani-paniwala na sila ay magbabangayan. Kung tama ang aking pagkakatanda, hindi ba ang ganitong sistema ay taliwas sa tunay na diwa ng prinsipyo ng mga kadete: Bawal magsinungaling, bawal magnakaw at bawal magkanulo o mag-squeal? Gayunman, naniniwala ako na nais lamang nilang malantad ang katotohanan tungkol sa mga milagro na maaaring kaakibat ng mga drug operations noon at hanggang ngayon.
Nakadidismaya nga lamang mabatid na marami sa ating mga alagad ng batas ang nagiging balakid sa maigting na anti-drug drive na laging binibigyang-diin ni Pangulong Duterte. Bukod sa mga ninja cops, nalantad ang iba pang aktibong pulis sa pagpupuslit ng mga illegal drugs, kasunod ng pagkakalantad ng sinasabing drug queen sa Maynila. Halos kasunod nito ang pagkakaaresto sa isang ahente ng PDEA – ang ahensiya na inaasahan nating nangunguna sa paglipol ng mga users, pusher at druglords.
Sa susunod na mga pagdinig sa Senado, dapat lamang malantad ang iba pang mga pasimuno sa paglumpo ng kampanya sa pagpuksa ng mga bawal na droga – kasama na rito ang matataas na opisyal na hanggang ngayon ay patuloy na nagpapasasa sa katas, wika nga, ng mga kasumpa-sumpang droga. Hindi sila dapat makaligtas sa panggagalaiti ng Pangulo na laging naninindigan na hindi siya titigil sa paglipol ng droga hanggang hindi nauutas ang pinakahuling adik.
-Celo Lagmay