MAKARAAN ang mahigit na pitong dekada, ngayon lamang nagkaroon ng katuparan ang matagal na nating minimithing pantay na kalayaan para sa ating mga kapatid sa pamamahayag – sa print at broadcast outfit. Ang tagibang na karapatan at kalayaan na matagal umiiral ay taliwas sa probisyon ng tinatawag na Sotto Press Freedom Law (SPFL) of 1946. Mabuti na lamang at ito ay sinusugan na rin sa pamamagitan ng Republic Act No. 11548 na nilagdaan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng SPFL, ang mga print journalist lamang ang hindi maaaring pilitin na ibunyag ang pinanggalingan ng kanilang mga impormasyon na pinagbatayan nila sa pagsulat ng balita o news report na nailathala sa kani-kanilang mga pahayagan. Ang ganitong karapatan ay angkin ng ating mga kapatid na print journalist, sukdulang sila ay pilitin ng kahit na ng isang hukom o judge na tukuyin ang pinagmulan ng kanilang confidential information.
Biglang sumagi sa aking utak ang hindi malilimutang karanasan ng limang kapatid natin sa propesyon. Sa isang paglilitis sa isang asunto noong 1955, pinili pa nilang makulong nang hindi sila mapilit ng hukom na ibulgar ang pinaggalingan ng mga detalye na ginamit nila sa kanilang news report. Ang paninindigan ng naturang mga peryodista na kabilang sa nakatatandang henerasyon ng mga mamamahayag ay naging bahagi ng kasaysayan ng National Press Club at ng iba pang grupo ng media.
Ang naturang karapatan at kalayaan ay tataglayin na ngayon ng ating mga kapatid sa broadcast outlets. Kabilang dito ang broadcaster sa radyo at telebisyon at internet. Sa ilalim ng bagong batas na lumilitaw na amiyenda sa SPFL, saklaw ang mga accredited journalist, publisher, writer, reporter, contributor, opinion writer, editor, columnist, manager at iba pang media practitioners na kasama sa pagsusulat at editing ng mga sulatin.
Ang nabanggit na mga miyembro ng media ay hindi maaaring obligahing magbunyag ng pinanggalingan ng kanilang mga impormasyon na pinagbatayan ng kanilang mga sinulat ng sinuman maliban na lamang kung may utos ang Korte Suprema, Senado at Kamara, lalo na kung may mga congressional hearings.
Sa kabila ng karapatan at kalayaan na ipinagkaloob sa atin ng naturang batas, marapat lamang na lalo nating paigtingin ang pagpapahalaga sa tinatawag na responsible journalism. Kaakibat ito ng ating masidhing pagpapahalaga sa pinagpantay na kalayaan – sa press freedom na itinatadhana ng ating Konstitusyon.
-Celo Lagmay