ANG pagpasok ng “ber” months, maririnig mo na boses ni Jose Mari Chan at ang countdown sa mga telebisyon at radio nagpapaalala sa nalalapit na panahon ng Kapaskuhan. Ngunit kakabit ng masayang paalala na ito ang matinding daloy ng trapiko na lalo pang lumalala sa ganitong panahon.
Muli tayong pinaaalalahanan hinggil sa nakaambang “carmaggedon” sa inilabas na ulat ngayong 2019 ng Asian Development Bank na nagluklok sa Metro Manila bilang “most congested city” mula sa 278 siyudad sa mga papaunland na mga bansa sa Asya.
Siyempre, hindi na ito nakagugulat. Alam na natin ito, bilang karanasan, kung gaano kalala ang trapik sa Metro Manila. Ngunit ipinapakita sa naging pag-aaral ng ADB ang ilang kakaibang pananaw patungkol sa gampanin ng siyudad sa pag-unlad at ang pangangailangan upang masiguro ang mobilidad upang maging inklusibo ang mga lungsod.
Bukod sa kakaiba at malikhang paraan sa pag-aaral ng pagsisikip sa mga lungsod ng Asya, nakabase ang pag-aaral ng ADB sa kinolektang datos hinggil sa tinatayang guguguling tagal ng biyahe base sa Google maps para sa 278 na siyudad sa 28 regional economy na may populasyong higit sa kalahating milyon.
Gamit ang metodolohiyang ito natuklasan ng ADB na ang Metro Manila ay may congestion value na 1.5, na sinusundan ng Kuala Lumpur, Malaysia sa ikalawa na may congestion index na 1.4 at Yangon, Myanmar sa ikatlong puwesto na may congestion index na 1.38. Nangangahulugan ang 1.5 congestion value na kinakailangan ang dagdag na 50 porsiyentong oras upang makapaglakbay tuwing peak hours kumpara sa panahong hindi peak hours. Bilang reperensiya, nasa 1.24 ang average congestion sa lahat ng sinuring siyudad.
Bahagi ng problema ang mabilis na lumalagong populasyon. Nabanggit sa ulat na ang bilang ng mga naninirahan sa mga papaunlad na siyudad ng mga bansa sa Asya ay tumaas ng halos limang beses mula noong 1970, mula 375 milyon patungong 1.84 bilyon noong 2017. Ang malaking pag-angat na ito ay kumakatawan sa 53% ng global urban population growth mula 1970 hanggang 2017. Bukod pa dito, inaasahan ding lalago pa ang populasyon sa mga siyudad sa Asya mula higit 1.8 bilyong tao noong 2017 patungong 3.0 bilyong pagsapit ng 2050, paglago ng urban share ng populasyon mula 46% patungong 64%.
Ngunit ang nagustuhan ko sa ulat ng ADB ay ipinapakita nito ang kagandahan ng mga siyudad—sa kabila ng labis na populasyon at iba pang problemang siyudad na kaugnay—bilang makina ng pag-unlad at bilang tagapaglikha ng produktibong trabaho. Pinahahayag ng pag-aaral na lumilikha ang siyudad ng pag-angat ng ekonomiya at ang mga magagandang trabaho ay nagiging “the locus of structural transformation and innovation, where more productive firms, better-paying jobs, and key institutions and amenities are located.”
Nagpahiwatig din ito ng isang maaaring polisiya bilang solusyon sa problema ng kasikipan nang banggitin nito na ang “medium-sized and smaller cities—home to 62% of the urban population—may need more attention.” Ito ang dahilan kung bakit matagal ko nang isinusulong sa gobyerno na gumawa ng estratehikong hakbang ng paglipat ng pag-papaunlad sa labas ng Metro Manila. Kailangan natin ang magandang imprastraktura at kaaya-ayang kapaligiran para sa negosyo upang makaakit ng pamumuhunan at ang mga tao palayo mula sa kabisera.
Ngunit higit sa paglago ng ekonomiya at trabaho, kailangan na ang lungsod ay inklusibo at matitirahan. Binigyan-diin sa ulat ng ADB ang pangangailangan para sa maayos at murang transportasyon. Nanawagan din ito para sa probinsyon ng mahahalagang imprastraktura tulad ng planong mga daan, planadong paggamit sa mga lupa at mga regulasyon na magsisiguro ang environmental sustainability gayundin ang “measures to promote affordable housing.” Plano kong talakayin ang huli sa aking mga susunod pang kolum.
Hinihikayat ng pag-aaral ang mga gobyerno para “to increase investment in public transport infrastructure to enlarge and improve the quantity of road and rail networks” upang mapaunlad ang pagkilos sa mga siyudad, na “enables people to move easily and quickly between locations within an urban area”.
Lubos akong umaasa na ang programang “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte ay magdudulot ng modernisasyon sa mga imprastraktura ng pamahalaan sa pamamagitan ng mga itinatayong daan, riles, mga tulay, paliparan, at irigasyon, na layong makatulong sa “golden age of infrastructure.”
-Manny Villar