SA pagtatapos ng Sept.29 deadline para sa mga opisyal ng local government units (LGUs) upang tapusin ang clearing operations o pag-aalis ng sagabal sa mga kalsada at sidewalk sa kani-kanilang mga nasasakupan, naniniwala ako sa pahayag ng Department of Interior and Local Government (DILG): Wala pang 100% compliant sa naturang utos. Ibig sabihin, hindi pa ganap na naisasakatuparan ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte at ang Memorandum Circular (MC) ng naturang kagawaran.
Hanggang ngayon, kitang-kita pa rin ang pagkukumahog ng kinauukulang mga tauhan ng LGUs sa buong kapuluan, kabilang na ang National Capital Region (NCR) sa paglilinis ng mga sagabal sa mga kalye; kabilang dito ang mga iligal na istruktura na tulad ng mga barangay hall na nakatirik sa bangketa at sa mismong mga kalsada – mga illegal structures na sinasabing ipinatayo ng ilang mapangahas na lingkod ng bayan. Kapani-paniwala na ang gayong mga kapangahasan ay mistulang pinahintulutan ng liderato ng nakalipas na mga administrasyon. Lubhang mahirap iwasto ang mga pagkakamali na nabahiran ng sinadyang pagpapabaya at mga katiwalian.
Sa kabila ng gayong nakadidismayang mga pangyayari, nalantad ang katotohanang pagtalima ng LGUs, kabilang na ang ating mga kababayan, sa nasabing Presidential order. Naroroon ang kanilang masidhing pagsisikap upang ipatupad ang total clearing operations upang matamo natin ang kaaya-ayang kapaligiran at walang sagabal na daloy ng trapiko.
Subalit gusto kong maniwala na lubhang maikli ang panahon upang isagawa ang pinaniniwalaan kong imposibleng misyon. Isipin na lamang na masyadong mabigat ang mahihigpit na kondisyon o requirements na itinakda ng DILG upang maituring na 100 porsyento ang pagtalima nila sa naturang mga utos. Kabilang dito, halimbawa, ang utos sa LGUs na dapat silang magpatibay ng mga ordinansa na may kaugnayan sa pag-aalis ng mga sagabal sa mga kalye at sa iba pang illegal construction; pagsasagawa ng imbentaryo ng mga kalsada sa kani-kanilang mga nasasakupan; at rehabilitasyon ng nabawi nilang mga kalye na pag-aari ng gobyerno. Marapat na maisakatuparan ang naturang mga utos upang maigawad sa kanila ang 100% compliant sa paglilinis at pag-aalis ng mga sagabal sa lugar na dapat ay para lamang sa kaluwagan at kaginhawahan ng ating mga kababayan.
Sa kabila ng mahigpit na pahayag ng DILG na hindi na magkakaroon ng palugit o extension sa itinakdang 60 araw, marapat lamang isaalang-alang ang pagbibigay ng dagdag na pagkakataon sa ating mga lingkod ng bayan na gampanan ang pinaniniwalaan kong imposibleng misyon. Lubhang gahol ang nasabing panahon sa implementasyon ng isang utos na tila kinaligtaan at ipinagwalang-bahala ng nakalipas na mga pangasiwaan.
-Celo Lagmay