SA kabila ng paghahasik ng mga karahasan ng New People’s Army (NPA) at ng iba pang grupo ng mga rebelde, hindi ko ikinabigla ang mistulang paglambot ng puso ni Pangulong Rodrigo Duterte nang kanyang himukin ang mga ito na sumuko sa gobyerno at magsalong ng kanilang mga armas. Kasabay ito ng kanyang madamdaming pagbibigay-diin na magpapatayo siya ng pabahay at magkakaloob ng livelihood program para sa susukong mga rebelde at sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa biglang tingin, halos imposibleng paniwalaan ang naturang pahayag ng Pangulo; lalo na nga kung iisipin na malimit siyang magpuyos sa galit dahil sa pagsalakay ng mga rebelde sa kampo ng mga pulis at sundalo; ikinamamatay ito ng ating mga alagad ng batas. Bagamat nalalagasan din ang NPA ranks, madalas namang nalalagay sa panganib ang ating mga tropa dahil sa mga sorpresang paglusob ng mga rebelde. Bahagi rin ng pananampalasan ng mga rebelde ang panununog sa mga dambuhalang construction machineries ng malalaking negosyante na sinasabing hindi nagbibigay ng revolutionary taxes.
Dahil nga sa paghahasik ng malagim na karahasan ng NPA rebels, magugunitang hindi miminsang ipinatigil ng Pangulo ang Peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng CPP/NDF/NPA. Humantong pa ito sa matinding utos ng Pangulo na arestuhin si Jose Maria Sison, ang haligi ng mga komunista sa ating bansa.
Subalit sa kabila nito, patuloy ang pag-engganyo ng Pangulo sa ating mga kapatid na rebelde na magbalik-loob sa tahimik na lipunan. Naniniwala ako na nais niya na ang NPA – kabilang na ang iba pang rebelde sa iba’t ibang panig ng kapuluan – ay maging katuwang sa pagtatamo ng mailap na pangmatagalang kapayapaan. Sa gayon, maiiwasan ang malagim na sagupaan – ang pagdanak ng dugo ng mga kapuwa mga Pilipino.
Ang makataong halimbawang ito ng Pangulo ay masasaksihan ngayon sa aming lalawigan sa Nueva Ecija nang pagtibayin ni Gob. Aurelio Umali ang P150,000 para sa mga ex-rebels sa naturang lalawigan. Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng 7th Infantry Division na nakahimpil sa Fort Magsaysay at ng provincial government, naniniwala ako na ang implementayson ng naturang programa ay makahihikayat sa iba pang aktibong rebelde na bumalik na sa tahimik na pamumuhay.
Sa bahaging ito, nakalulugod mabatid na apat pang pinaghihinalaang NPA rebels ang sumuko kamakailan sa NE Police; nagsalong din ng mga armas at pungko ang nasabing mga rebelde. Naniniwala ako na sila ay magiging bahagi rin ng livelihood program ni Gob. Umali. Kinumpirma ito ni Atty. Al Abesamis, provincial administrator, sa isang pakikipanayam.
Sa pagsuko ng NPA rebels – at ng iba pang kaaway ng pamahalaan – kaakibat ng pagkakaloob sa kanila ng mga kaluwagan para sa tahimik na pamumuhay, natitiyak ko na ito ay isang hudyat tungo sa inaasam nating lasting peace. Higit sa lahat, dahil sa gayong mga pagsisikap, sila at ang nakakasagupa nilang mga alagad ng batas, ay mistulang sinagip ng gobyerno sa kamatayan.
-Celo Lagmay