NGAYONG mistulang ibinuhos ng gobyerno ang katakut-takot na puwersa kontra sa African Swine Fever (ASF), wala na akong makitang balakid upang epektibong mapaghandaan kundi man ganap na masugpo ang paglaganap ng naturang sakit ng ating mga alagang baboy. Isipin na lamang na ang binuong task force laban sa ASF ay pinamumunuan mismo ni Pangulong Duterte bilang Chairman at ni Department of Agriculture (DA) Secretary William D. Dar bilang co-Chairman.
Ang naturang magkatambal na puwersa ay natitiyak kong sapat na upang makontrol ang pamiminsala ng ASF sa ating mga alagang baboy, lalo na kung isasaalang-alang na ang pagbuo ng task force ay sinabayan ng pagpapalabas ng P78 milyon emergency fund; gagamitin ang nasabing halaga para sa biosecurity at quarantine operations at sa iba pang sakit na maaaring dumapo sa mga hayop. Kaakibat ng pagpapalabas ng pondo, ang binuong National ASF Task Force (NATF) ay makikipag-ugnayan din sa mga local government units (LGUs), kabilang na ang iba’t ibang pribadong sektor, upang lalo pang palakasin ang pagpapalaganap ng makabuluhang mga impormasyon hinggil sa kaligtasan ng ating P260 bilyon hog industry.
Magiging katuwang din ni Secretary Dar sa gayong mga pagsisikap ang iba pang puwersa ng pamahalaan na kinabibilangan ng mga Kalihim ng Department of Finance, Foreign Affairs, Interior and Local Government, Environment and Natural Resources, Trade and Industry, Budget and Management at Disaster Risk Reduction. Walang alinlangan na ang sama-samang pagsisikap ng mga ito ay makapapawi sa pangamba ng libu-libo nating mga hog raisers na ang mga alagang baboy ay laging nanganganib.
Maging ang puwersa ng Senado ay ibinuhos na rin sa adhikaing mahadlangan ang paglaganap ng ASF na maituturing na isang kalamidad. Tandisang ipinahiwatig ni Senador Angara na ang DA ay may isang bilyong pisong Quick Response Funds (QRF) na maaaring gamitin kontra ASF. Tama lamang na ito ay iukol kaagad sa anumang kalamidad na gumugulantang sa komunidad, tulad nga ng peste at iba pang problema na gumigiyagis sa agrikultura at sa kabuhayan ng mga magsasaka.
Makatuturan ding maging bahagi ng binuong task force ang paulit-ulit na panawagan ni Secretary Dar tungkol sa mga protocol na dapat sundin ng mga hog raisers. Kabilang dito ang madalian at maayos na paglilibing ng namamatay na baboy. Hindi rin dapat pagbawalan ng mga opisyal ng LGUs ang pagpasok ng mga karneng baboy sa kani-kanilang mga nasasakupan, lalo na nga kung iisipin na ang nasabing mga karne ay hindi naman nagmula sa mga apektado ng ASF.
Naniniwala ako na mahalagang pakinggan ang paulit-ulit na paniniyak ng DA na ligtas kainin ang karne ng baboy; tiyakin lamang na ito ay may tatak na NMIS – National Meat Inspection Service.
-Celo Lagmay