DAHIL sa hindi mapipigilang paglobo ng ating populasyon mula sa kasalukuyang 102 milyon upang maging 106 milyon o higit pa sa susunod na mga araw, muling sumagi sa aking utak ang kahalagahan ng pagpaplano ng pamilya. Kaakibat ito ng kabi-kabilang kahilingan hinggil sa pagsuporta sa puspusang pagtataguyod reproductive health (RH) law na nagtatadhana ng mga probisyon tungo sa responsible parenthood.
Ang naturang mga tagubilin ang pinaniniwalaan kong pupukaw sa kamalayan ng sambayanan tungkol sa family planning at sa wastong paggamit ng mga contraceptive, tulad ng isinasaad sa RH law. Dangan nga lamang at marapat na maging maingat ang kinauukulang mga kababaihan sa pagtalima sa naturang batas.
Naniniwala ako na ito ang dahilan ng paglulunsad ng kampanya tungkol nga sa tunay na kahulugan ng responsableng pagpapamilya. Tinagurian itong ‘Do It Right’ campaign na nilahukan ng 11 iba’t ibang organisasyon na nagsisikap ipaunawa sa mga kababaihan, kabataan lalo na sa maralitang pamilya ang kahalagahan ng naturang kampanya. Sa gayon, magkakaroon ng wastong agwat ang panganganak at, higit sa lahat, maiiwasan ang tinatawag na teenage pregnancy at ang hindi marapat na pagbubuntis o unwanted pregnancy.
Totoong nakababahala na dahil sa kakulangan ng kinauukulang mga pamilya ng mga kaalaman sa family planning, halos tuluy-tuloy ang pagdami ng ating mga supling – isang bagay na lubhang nakapagpapalaki ng ating populasyon. May pagkakataon na ang ganitong mga eksena ay nagpapalubha sa problema hinggil sa talamak na pagkagutom, lalo na nga sa maralitang mga kababayan natin.
Totoo rin na hindi natin dapat panghimasukan ang kapritso, wika nga, ng sinuman tungkol sa limitasyon sa panganganak. Desisyon ito ng kinauukulang mga pamilya, lalo na ng mga dukha na ang karamihan ay naninirahan sa mga barung-barong na nakatirik sa mga estero. Sinasabi na hindi nila halos mamalayan na bigla na lamang dumadami ang kanilang mga anak dahil marahil sa kawalan nila ng pagpapahalaga sa family planning at RH law.
Panahon na upang pangatawanan natin ang pagsuporta sa nabanggit na campaign slogan – ‘Do It Right’. Iwaksi ang mga pangamba, takot at mga pagkukunwari – lalo na sa hanay ng mga maralita – sa pagtalima sa RH law. Ang ating pakikiisa sa nabanggit na kampanya – ng mga kababaihan, kabataan at iba pa – ay maituturing na tagumpay laban sa hindi marapat na paglobo ng populasyon; higit sa lahat, maituturing itong tagumpay laban sa karukhaan.
-Celo Lagmay