TAGUMPAY ang Pilipinas sa hangad na tumaas ang puwesto FIBA 3X3 Men’s World Rankings.

Makaraang makatipon ng kabuuang 8,156,366 puntos pagkatapos ng 2019 Chooks to Go Pilipinas 3×3 season noong nakaraang Linggo, tumaas sa ranggong pang- 21 ang Pilipinas sa world rankings, mahigit isang buwan na lamang halos bago ang Oktubre 31, ang deadline na itinakda ng FIBA para makatipon ng puntos.

Dahil dito, pasok na ang bansa sa Top 24 at nangangahulugang qualified na upang makasali sa Olympic Qualifying Tournament (OQT).

“All the hard work of our players, our team owners, our staff, and the federation has paid off,” pahayag ni Chooks-to-Go Pilipinas league owner Ronald Mascariñas.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Nitong Pebrero nasa pang 59 na ranggo pa lamang ang Pilipinas sa men’s ranking ng FIBA.

May 20 koponan ang maglalaban sa OQT kung saan may nakatayang apat na slots para sa Olympics habang may isa pang slot na paglalabanan sa Universality OQT.

Nakakasiguro ng pasok sa darating na Tokyo Olympics ang tatlong highest-ranked federations kasama ng Olympics host Japan.

Upang mapanatili na nasa Top 24 ang bansa hanggang Oktubre 31, plano nina Mascariñas at league commissioner Eric Altamirano na magkaroon maraming 3×3 activities.

“We can’t just wait and leave our fate to chance. We have to continue pushing until the goal is met,” ayon kay Mascariñas.

-Marivic Awitan