Mapatibay ang pagkakaluklok sa ikalawang posisyon ang tatangkain ng PetroGazz habang solong pang-apat ang target ng Banko Perlas sa muli nilang pagtutuos ngayong gabi sa pagpapatuloy ng second round ng PVL Season 3 Open Conference.

Hangad ng Angels (6-2)na ipaghiganti ang natamong kabiguan sa kamay ng Perlas Spikers(6-4) noong opening day upang manatili sila sa second spot kasunod ng defending champion at undefeated Creamline(10-0).

Magtutuos ang dalawang koponan sa tampok na laro ng nakatakdang triple bill ganap na 6:00 ng gabi sa Filoil Flying V Center sa San Juan City.

Mauuna rito, magtutuos sa pambungad na laro ganap na 2:00 ng hapon ang Choco Mucho (3-6) at Balipure (2-9) na susundan ng salpukan ng winless pa ring Chef’s Classic (0-11) at pumapangatlong Motolite (6-3) ganap na 4:00 ng hapon.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Magtatangka ang Flying Titans na maulit ang straight sets na panalo kontra Water Defenders noong Agosto 14 para sa hangad nilang ika-4 na panalo.

Samantala sa huling laro, sisikapin ng Motolite na duplikahin ang 3-0 panalo kontra Lady Red Spikers na wala pang naipapanalo matapos ang labing-isang laban upang tumatag ang kapit nila sa ikatlong posisyon.

-Marivic Awitan