HINDI pa man nag-iinit sa kanyang upuan ang manunungkulang Director General ng Bureau of Corrections (BuCor), natitiyak kong katakut-takot nang problema ang kanyang bubunuin – mga problema na nagbigay-dungis sa naturang ahensiya na hindi na yata napatino ng nakalipas na pamunuan. Sa pagsisimula ng panunungkulan ni Chief Gerald Bantag, ang estratehiya ng paglutas niya sa alingasngas ay hindi kaya matulad sa pagtutulak ng alon sa karagatan?
Minsan man ay hindi ko nakadaupang-palad si Bantag, subalit natunghayan ko sa mga ulat na siya ay nag-aangkin ng matatag na determinasyon upang maibalik ang maganda at matinong imahen ng BuCor. Mismong si Pangulong Duterte ang nagpahayag ng pagtitiwala sa kanyang kakayahan. Isipin na lamang na kaagad niyang iniutos ang pagbabawal sa paggamit ng cellphone sa loob ng New Bilibid Prison. Hindi ko matiyak kung ang direktiba ay sumasakop sa lahat – sa kanya, sa mga kawani at maging sa mga bumibisita sa preso.
Kabilang sa mga magpapasakit ng ulo ni Bantag ang mga anomalya na nabunyag sa Senate public hearing, tulad ng masalimuot na implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA). Sinasabing kinapapalooban ito ng suhulan na kinasasangkutan ng ilang opisyal ng naturang ahensiya. Magugunita na ang bulok na pamamalakad ay labis na ipinanggalaiti ng Pangulo na naging dahilan ng kanyang ‘shoot-to-kill order’ kung hindi susuko ang pinalayang mga preso.
Nalantad din sa naturang pagdinig ang talamak na kontrabando ng illegal drugs na sinasabing kinasasangkutan din ng mga tiwaling lingkod ng bayan. Mga anomalya ito na tila hindi pinagsikapang sugpuin ng nakaraang pamunuan. Marami pang problema ang matitiyak kong bubulaga sa bagong BuCor chief na inaasahan namang maaari niyang malampasan.
Samantala, hindi marahil kalabisang isulong ni Bantag ang matagal na nating isinisigaw na panukala hinggil sa paglilipat ng New Bilibid Prison sa ibang lugar – sa Nueva Ecija, halimbawa. Sa aking pagkakaalam, nailatag na ang blueprint, wika nga, ng naturang paglilipat; may inilaan nang pondo para sa nasabing plano.
Ang nabanggit na panukala ay hindi lamang makapagpapaluwag sa galawan ng mga preso sapagkat ang paglilipat sa nasabing lalawigan ay lubhang maluwag at malapit sa Fort Magsaysay na magsisilbi pang seguridad sa mga bilanggo. Bukod dito, ang iiwang NBP ay tiyak na magagamit sa pagsusulong ng kabuhayan ng bansa; mapagtatayuan ito ng malaking negosyo na makatutulong sa sambayanan.
Sana, magpagtagumpayan ni Bantag ang paglutas sa matinding anomalya sa naturang bilangguan.
-Celo Lagmay