SA ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte, nanawagan siya sa Kongreso na magpasa ng isang bagong Salary Standardization Law na magtataas sa suweldo ng mga kawani ng pamahalaan, kabilang ang mga guro sa mga pampublikong paaralan. Hindi lamang ito isang pagtupad sa kanyang pangako noong panahon ng kampanya ngunit bilang pagkilala sa pagsisikap at sakripisyo ng mga guro. Ang karapat-dapat na dagdag-sahod na ito ay isang pagkilala sa tungkulin ng mga pampublikong guro sa paghubog sa isipan ng mga kabataan at pagtatayo ng pundasyon para sa isang matibay na kinabukasan ng ating bansa.
Kailangan nila ang mas maayos na kompensasyon at benepisyo. At dapat nating ipagkaloob sa kanila ang antas ng suweldo sa tumutumbas sa kanilang katangi-tanging trabahong ginagawa. Ngunit ang katotohanan ay karamihan sa mga guro ay hindi ito ginagawa para lamang sa pera.
Marami akong nakilalang mga guro noong panahong nasa serbisyo publiko ako at sinasabi nila ang kanilang mga motibasyon ngunit hindi ito salapi. Hindi sila nagdesisyong maging guro para kumita. Naging guro sila dahil mahal nila ang pagtuturo. Ginagawa nila ang kailangan nilang gawin—sa kabila ng mga paghihirap—dahil ito ang gusto nilang gawin.
At ang kagustuhan nilang turuan ang mga kabataan ang nagbibigay sa kanila ng “kapangyarihan” na malampasan ang lahat ng mga pagsubok. Kailangang mahal mo ang iyong ginagawa upang makayanan mo ang kinakailangang pagdaan ng ilang mga guro.
Naaalala ko ang isang guro na literal na kailangang tumawid ng mga ilog, maglakbay ng halos dalawang oras o gumamit ng salbabida upang marating lamang ang kanyang tinuturuang paaralan sa isang liblib na barangay sa Occidental Mindoro. Pagbabahagi ni teacher Elizabeth Miranda, siya lamang ang maaaring magturo sa kanyang mga estudyante kaya hindi na niya iniinda kung ilang ilog ang kailangan niyang tawirin. Ang kanyang sakripisyo ay tila magbabalewala sa ating reklamo sa matinding trapik ng EDSA.
Nabasa ko rin ang katangi-tanging kuwento ni Ma. Cristina Medina na nawalan ng paningin ngunit hindi nawalan ng pag-asa. Nagsikap siya at ngayon ay nagtuturo na siya ng Special Education (SpEd) at mga regular na klase. Tulad ng sinabi ni Hellen Keller, “The only thing worse than being blind is having sight but no vision.”
Nariyan din si Ronyla Santiago na ginagamit ang kanyang kakayahan at mga abilidad upang turuan ang mga dating miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF). Naisulat ng isang pahayagan ang kanyang katapangan: “Standing before 58 rebel returnees was so scary. One of them said he will take me home. Even if I was terrified, I told him that he should respect me because I’m his teacher.”
Si Randy Halasan na nagwagi sa prestihiyosong Ramon Magsaysay Award noong 2014, para sa kanyang dedikasyon sa kanyang malayong paglalakbay para lamang maturuan ang mga bata ng tribong Matigsalog sa isang liblib na barangay sa Davao City.
Mayroong milyon iba pang mga guro, na araw-araw nagsasakripisyo para sa bansa nang walang hinihintay na kapalit o pagkilala. Ang mga aktibidad tuwing National Teachers Month ang humihikayat sa atin na mag-alay ng papuri para sa mga bayaning ito.
Ang pinakamagandang pagkilala na maibibigay natin sa mga guro ay ang maging responsible—mabait, maalaga, matagumpay at bukas sa pagbabahagi ng kaalaman sa iba. Maging tulad tayo ng isang indibiduwal na pinukaw, ginabayan at tinuruan noong tayo ay nasa kanilang pangangalaga.
Habang inihahanda ko ang artikulong ito, nabasa ko ang isang sipi mula sa Greek writer na si Nikos Kazantzakis, na para sa akin ay naglalarawan sa kabayanihan ng mga guro:
“True teachers are those who use themselves as bridges over which they invite their students to cross; then, having facilitated their crossing, joyfully collapse, encouraging them to create their own.”
Happy Teachers Month sa lahat ng Guro!
-Manny Villar