NGAYONG nakalipas na ang paggunita sa ika-47 taon ng deklarasyon ng martial law – isang selebrasyon ang nakulayan nang walang katapusang pagtuligsa bagamat may kaakibat din namang mga papuri – naniniwala ako na ito ay marapat na maging bahagi ng curriculum ng mga paaralan. Ito ay dapat ituro hindi lamang sa University of the Philippines (UP) kundi maging sa mga kolehiyo at pamantasan sa buong kapuluan.
Ang martial law ay hindi maitatangging bahagi ng kasaysayan ng ating bansa na dapat lamang ipaunawa sa sambayanan. Ibig sabihin, kailangang tiyakin na ang paglalarawan ng mga pangyayari ay patas at alinsunod sa mga patunay o testimonya ng magkabilang panig. Tulad nga ng pahiwatig ni Legaspi bishop Joel Baylon, dating opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Comission on Youth (CBCP ECY): “There should be a balanced presentation of martial law... not only its negative impact but also the positive ones, if at all.”
Hanggang ngayon, ang impresyon ng ilang sektor ng ating mga kababayan ay nakalundo sa paniniwala na ang martial law ay isang malupit na anyo ng kriminalidad. Sinasabing ito ay tinampukan ng nakakikilabot na paglabag sa mga karapatang pantao at pandarambong ng kayamanan ng bansa; ng kabi-kabilang pagdakip at pagdukot sa mga kritiko ng naturang rehimen na ang karamihan ay nananatiling nawawala.
Sa bahaging ito, nais kong gunitain ang matinding pagdurusa ng kapuwa nating mga mamamahayag. Isipin na lamang na dahil sa martial law, nalumpo ang media profession at kinitil ang demokrasya; mistulang inagaw ang kabuhayan ng aming mga mahal sa buhay.
Gayunman, naniniwala ako na ang naturang kahindik-hindik na mga eksena ay isang bahagi lamang ng sinasabing madilim na kasaysayan ng ating bansa. Marapat na marinig ang pananaw ng iba’t ibang sektor, lalo na ng angkan ng mga naging bahagi ng Marcos regime. Ang kanilang mga tinig at punto de bista, wika nga, ay makabuluhang maging bahagi ng mga asignatura sa pagtuturo ng martial law.
Kailangang liwanagin ang epekto ng martial law sa ating wika, panitikan at kultura sa pamamagitan ng mga pananaw ng ating mga kababayan, lalo na ng mga manunulat at iba pang grupo upang matiyak ang balanse at hindi tagibang na paglalarawan ng martial law.
-Celo Lagmay