PATULOY naman ang pagporma ng defending champion National University at University of the Philippines para sa title duel ng UAAP Season 82 Men’s Badminton Tournament.
Giniba ng Bulldogs ang University of the East Warriors, 5-0, para sa ika-46 sunod na panalo sa kasaysayan ng liga.
Tinuldukan ni Keeyan Gabuelo ang winning run ni Angelo David sa impresibong 21-16, 21-14 panalo, bago sinundan ni rookie Solomon Cadiz, Jr. laban kay Lance Pelobello, 21-13, 21-8, nitong Linggo sa PNP Center.
Nanaig ang rookie duo nina Julius Villabrille at James Villarante kontra Edward Adriano at Drix Reyes 21-11, 21-8, gayundin ang tambalan nina Cadiz at Ryan Marfa, 21-11, 21-14, bago ang huling hirit ni Thirdy Bacalso kontra David, 21-3, 21-10.
Naungusan naman ng Fighting Maroons ang University of Santo Tomas, 4-1, sa pangunguna ni team captain JM Bernardo.
Tanging si Lanz Ramirez ang nakaisa sa UST nang malusutan si Jacob Tercias sa three-set decision, 21-18, 15-21, 21-17.
Humirit din ang Ateneo de Manila University sa 5-0 panalo kontra Adamson University, 5-0, para sa ikalawang sunod na panalo.