Tinagurian siya bilang isang ‘Guiding Spirit’ hindi lamang ng pinaglilingkuran naming publishing outfit kundi maging ng mga kawani nito – lalo na ng mga miyembro ng editorial staff ng iba’t ibang babasahin, kabilang na ang pamatnugutan ng pahayagang ito.
Siya ang itinuring naming ama at nakatatandang kapatid hanggang sa siya ay sumakabilang-buhay noong nakaraang Biyerenes sa edad na 89. Siya – si dating Senador Rene Espina – ang Presidente ng pinaglilingkuran naming kompanya, ang Liwayway Publishing Incorporated (LPI) na sister company ng Manila Bulletin Publishing Corporation (MBPC). Inilalathala ng LPI ang apat na magasin – Bannawag (Ilokano), Bisaya, Hiligaynon at ang mismong flagship magazine na Liwayway, kabilang na ang pang-araw-araw na pahayagang ito. Ang kanyang pagiging isang ‘Guiding Spirit’ ay nakaangkla sa kanyang epektibong pamamahala sa naturang mga babasahin. Palibhasa’y isa ring manunulat, lagi niyang pinapatnubayan ang mga kasamahan namin sa pamatnugutan sa paglalathala ng mahahalagang impormasyon na dapat malaman ng sambayanan – mga detalye na nakabatay sa katotohanan. Lagi niya kaming pinaaalalahanan sa pagpili ng mga artikulo, kuwento at maging ng mga nobela na hindi taliwas sa mga aral na dapat pamarisan ng ating mga mambabasa. Palibhasa’y isang abugado, maingat ang kanyang mga tagubilin hinggil sa paglalathala ng tinatawag na malicious report na maaaring humantong sa pagsasampa ng mga kasong libelo. Ang kanyang mga pagsisikap ay naging bahagi ng kanyang panunungkulan bilang LPI president hanggang sa ang apat na magasin at ang pahayagang ito ay mailipat sa punong tanggapan ng MBPC sa Intramuros, Maynila. Hindi lamang sa larangan ng publikasyon natatangi ang paglilingkod ni Senador Espina. Bilang dating mambabatas, nahalal din siya bilang Cebu governor. Isang bukas na aklat ang kanyang walang-bahid ng mga alingasngas na pagtupad ng kanyang sinumpaang mga tungkulin. Isipin din na siya ang pinakabatang itinalaga bilang administrador ng Social Security System (SSS) sa edad na 33, noong panahon ni dating Pangulong Diosdado Macapagal. Hindi ko malilimutan ang kanyang kolumn sa Manila Bulletin – Never on Sunday – na kinapupulutan ng makabuluhang mga argumento hinggil sa makatuturang mga isyu. Sa ngalan ng aming mga kapatid sa pamamahayag, isang madamdaming pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay – lalo na kay Erik Espina na isa ring kapuwa-kolumnista.
-Celo Lagmay