NANG malantad sa Senate hearing ang sinasabing talamak na recycling ng droga sa hanay ng pulisya, gusto kong maniwala na talamak din ang pagsabotahe sa iba pang patakaran ng Duterte administration; bukod sa mistulang pagsabotahe sa anti-illegal drugs campaign, kabi-kabila rin at sinasadya ang pagsabotahe sa paglipol ng mga katiwalian sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Ang recycling ng droga na ibinunyag ng pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay kinumpirma naman ng spokesman ng Philippine National Police (PNP). Kapani-paniwala ang naturang pagbubulgar sapagkat ang nabanggit na mga pahayag ay ‘under-oath’.
Sa aking pagkakaalam, ang drug recycling ay kinapapalooban ng pagbebenta ng tinatawag na ‘ninja cops’ ng mga droga na nakukumpiska nila sa tila sinasabotahe ring utos ni Pangulong Duterte laban sa pagpuksa ng kasumpa-sumpang bisyo. Isipin na lamang na ang naturang droga na nakukumpiska nila sa mga users, pushers at druglords ay muli nilang ipinagbibili at pinagkakakitaan ng limpak-limpak na halaga. May pagkakataon na sila mismo – mga alagad ng batas na inaasahang mangangalaga sa mga komunidad laban sa mga sugapa sa bawal na gamot na laging naghahasik ng karahasan sa sambayanan – ang gumagamit ng droga.
Totoo na ang nabunyag na drug recycling ay maituturing na isolated o pangisa-ngisa lamang. Subalit isang bagay ang tiyak: Matindi ang gayong katiwalian na natitiyak kong nakasisira sa pamunuan ng PNP. Nadadamay ang mga huwarang pulis sa mga kalabisan at pagsasamantala sa tungkulin ng naturang mga ‘ninja cops’.
Mabuti na lamang at ang liderato ng pulisya ay walang humpay na nagpapatupad ng paglilinis o internal cleansing na humantong sa pagkakatiwalag ng daan-daang alagad ng batas. Lalong malulugod ang sambayanan kung ang nasabing cleansing process ay maisasagawa nang walang kinikilingan kahit na sino ang masagasaan, wika nga.
Ang nabunyag na mga alingasngas sa naturang pagdinig sa Senado ay natitiyak kong nagaganap sa iba pang ahensiya ng gobyerno – mga katiwalian na maliwanag na pagsabotahe sa administrasyon. Paulit-ulit na nating tinutukoy ang mga kabulukan at pagpapabaya sa Bureau of Customs na hanggang ngayon ay pinamumugaran pa ng mga tiwaling kawani at opisyal; mga lingkod ng bayan na nangungunyapit sa puwesto sa kabila ng mistulang pagtataboy sa kanila ng Pangulo. Hindi makakatkat sa ating isipan ang bilyun-bilyong pisong illegal drugs na mahimalang pinalusot sa naturang tanggapan.
Ganito rin ang nagaganap sa Bureau of Internal Revenue na kamakailan lamang ay nagpainit sa ulo ng Pangulo. Bilyun-biyong pisong anomalya rin ang naglalaho – mga buwis na dapat napupunta sa kaban ng ating bayan.
Natitiyak ko na marami pang ahensiya na pinamumugaran ng mga tiwali na pasimuno sa pagsabotahe sa mga programa ng gobyerno.
-Celo Lagmay