NAGISING sa huling yugto ang defending champion Saint Clare College of Caloocan upang malampasan ang hamon ng Saint Francis of Assisi College, 68-65, at manatiling walang talo sa tampok na laro ng 19th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) sa Marikina Sports Center Martes ng hapon.
Ang Saints ay nag-iisa ngayon sa tuktok ng Group na may kartadang 3-0 habang 2-1 na ang mga Doves.
Patuloy pa rin ang pag-asam ng Saints ng kanilang ika-apat na kampeonato sa NAASCU ngayong taon at ika-lima sa kasaysayan ng kolehiyo buhat pa noong 2012. Kasalukuyang may 26 sunod-sunod na panalo ang koponan at huling nakatikim ng talo sa pambungad na laban ng 17th NAASCU kontra sa Philippine Christian University, 88- 89, noong Agosto 17, 2017.
Sa ibang mga laro, humabol ang Our Lady of Fatima University upang ibigay sa AMA University ang kanilang ikatlong sunod na talo, 71- 56. Umarangkada agad ang Titans, 20-6, matapos ang unang quarter subalit hindi sumuko ang Phoenix upang makuha ang kanilang ikatlong tagumpay sa apat na laro sa Group A.
Iniangat ng De La Salle Araneta University ang kanilang laro sa huling tatlong minuto para mapigil ang Holy Angel University, 74-58. Ito ang unang panalo ng Stallions habang 0-2 na ang Guardians sa Grupo B.
Umakyat ang Manuel L. Quezon University sa kartadang 2-2 sa Grupo A matapos durugin ang City University of Pasay, 73-62. Bumagsak ang Eagles sa 0-4 at nasa peligro na hindi makapasok sa playoffs na may dalawa pang nakatakdang laro sa Saint Clare at AMA.