UNANG tambalan, walang aberya para kay superstar jockey JB Guce at Princess Eowyn.

HATAW mula simula hanggang sa huling ratsadahan ang pitong palaban (mula sa kaliwa) Doctora, Princess Eowyn, El Debarge, Cerveza Rosas, Trust Me, Good Voyage at Heiress of Hope. Sa huli, namayagpag ang Princess Eowyn para makopo ang Sampaguita Stakes Race – isa sa pinakamalaking karera ngayong taon.

HATAW mula simula hanggang sa huling ratsadahan ang pitong palaban (mula sa kaliwa) Doctora, Princess Eowyn, El Debarge, Cerveza Rosas, Trust Me, Good Voyage at Heiress of Hope. Sa huli, namayagpag ang Princess Eowyn para makopo ang Sampaguita Stakes Race – isa sa pinakamalaking karera ngayong taon.

Matikas na nakihamok ang Princess Eowyn mula sa simula hanggang sa huling hatawan para gapiin ang anim na karibal at angkin ang Sampaguita Stakes Race ng Philippine Racing Commission nitong Linggo sa Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite.

Ito ang unang sakay ni Guce kay Princess Eowyn at kahanga-hanga ang kanilang tambalan, higit sa dikitang ratsadahan kay El Debarge, sakay si jockey JA Guce, tungo sa impresibong panalo.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

“Ngayon ko lang po kasi siya (Princess Eowyn) nasakyan,” pahayag ni Guce. “Tinanong po ako ng owner kung anong diskarte, sabi ko, pasarida. Kung kaya mauna, mauna na. Pero alam ko po na ‘yung kalaban ko, may tulin din (El Debarge and Cevesa Rosas). Nagpasarida kami para lamang kami sa puwesto at hindi na maabala, kung saka sakaling may magpupumilit, sabi ko kahit ibigay namin ang harapan, pero bantayan ko na din po kaagad,” aniya.

Ngunit, sa huli, dominante ang bagong tambalan.

“Pinakiramdaman ko kung kaya pa ng kabayo nila sa half mile pa lang. Pagkakuha ko, hindi ko na binitawan. Nag-abang nalang po ako kung may dadating, wala naman, sa homestretch dire-diretson na,” sambit ni Guce.

“Hopefully, simula pa lang ito.”

Nakuha ng may-aring si Edong Diokno ang champion purse na P1,200,000.00. Sa kanyang mga alaga, kabilang din ang pamosong Boss Emong, nagwagi sa second leg ng Philracom’s Triple Crown Series nitong Hunyo.

Kabuuang P2 milyon ang inilaang premyo ng Philracom sa Sampaguita Stakes Race, tinampukan ng pinakamatitikas na fillies sa bansa.

Nakuha ng Heiress of Hope ni Benhur Abalos III at jockey AR Villegas ang ikalawang puwesto at premyong P450,000, habang pangatlo ang Doktora ni JM Yulo at sakay si jockey CV Garganta (P100,000).

Ang Races 1, 2, 4 at 5 ay bahagi ng Manila Horsepower Special Race na isinagawa bilang paggunita sa ala-ala ng namayapang Philracom Commissioner Wilfredo de Ungria Jr.

Nagwagi ang Fire Bull sa Race 1, nanalo ang Facing Dixie sa Race 2, nakamit ng Hiconicus ang Race 4, habang tagumpay ang Fort McKinley sa Race 5.

Ang Philracom Charity Race para sa Sto. Nino de Malolos Foundation Inc. ay pinagbidahan ng Minalim.

Ang iba pang mga nagwagi ay ang Casino Royales (Race 7), Fire Dancer (Race 8), Goldsmith (Race 9), June Eleven (Race 10), Double Sunrise (Race 11) at Rhaegal (Race 12).

Ilan pang malalaking karera ang nakalinyang bitawan ng Philracom sa mga susunod na buwan, kabilang ang Juvenile Fillies and Colts Stakes Races sa Oct. 6 at ang 3YO Imported/Local Challenge sa Oct. 20, kasunod ang 2nd leg of the Juvenile Fillies and Colts Stakes Races sa Nov. 3, Ambassador Eduardo M. Cojuangco Jr. Cup sa Nov. 17 at ang 2nd leg ng 3YO Imported/Local Challenge sa Nov. 24.

Hitik din ang aksiyon sa Disyembre sa gaganaping 3rd leg ng Juvenile Fillies and Colts Stakes Races, Grand Sprint Championship sa Dec/ 15, Chairman’s Cup at 3rd leg ng 3YO Imported/Local Challenge Series sa 29th at Juvenile Championship sa 31st.