MATAGAL nang nalunod ang kampanya ng Philippine swimming team sa Southeast Asian Games. Sa ika-30 edition, asam ng Pinoy swimmers na makaahon at makamit ang matagal nang inaasam na gintong medalya sa harap ng mga kababayan.
Sa 2019 SEAG, nakaatang sa balikat ng mga Filipino-foreign athletes at ilang homegrown talents ang kampanya ng Philippine Team para pawiin ang matagal nang pagkauhaw sa gintong medalya, sa pangunguna nina Nicole Oliva, Luke Gebbie, Remedy Rule at James Deiparine.
Kasama rin sa 27-man national squad sina US-based Olympians Jessie Khing Lacuna at Jasmine Alkhaldi, gayundin sina Jerald Jacinto, Rafael at Miguel Barreto, dating Palarong Pambansa standouts Xiandi Chua, Maurice Sacho Ilustre, Youth Olympian Roxanne Yu, Rosalee Santa Ana, Chloe Isleta at Thanya Dela Cruz.
Nakalusot din matapos isagawa ang National Open nitong Agosto sina Alberto Batungbacal, Fil-foreigner Jonathan Cook, Jarod Hatch, Jean-Pierre Khouzam at Jaden,Rian Tirol, Desirae Mangaong, Jazlynn Pak, Joy Rodgers, Miranda Renner at magkapatid na Fil-Australian na sina Georgia at Thomas Peregrina.
Huling nagwagi ng gintong medalya ang Philippines sa swimming noong 2009 Laos edition, sa pamamagitan ni Miguel Molina.
-Annie Abad