TRAVEL and Tourism, ang kasalukuyang pinakamalaking tagapag-ambag sa paglago ng ekonomiya ng ating bansa.
Matagal nang inaakala ng marami na ang pag-angat ng bansa ay malaking dulot ng resulta ng komersyo at industriya at ang inilalabas nito mula sa pagmimina at pagsasaka. Ngunit tila nahuhuli tayo mula sa mga tradisyunal na pinagkukunan ng kayaman ng bansa. Sa halip, humakbang na tayo nang malaki sa pagpapaunlad ng ating ‘human resources’ ang ating milyong tao, na sa murang edad, ay ikinabahala nating magpapabagal sa pag-usad ng bansa dahil sa malaki nilang bilang.
Sa ulat na inilabas nitong nakaraang linggo mula sa isang pag-aaral ng American Express, isang pandaigdigang samahan ng mga pribadong sektor, sinabi na ang ‘travel and tourism’ ng Pilipinas ang nakapag-ambag ng $82 bilyon sa ekonomiya ng bansa noong 2018, na may 24.7 na bahagi mula sa kabuuang Gross Domestic Product (GDP).
Agrikultura pa rin ang nangungunang tagapagbigay ng trabaho, na may 31.1%, ayon sa pag-aaral ng American Express, ngunit umangat sa ikalawang puwesto ang turismo at paglalakbay na may 26.4%. Nasa 20.4% ang retail at 15.7% ang konstruksiyon.
Sa nauna nang ulat noong Abril ng Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa iba’t ibang sektor na nag-aambag sa GDP, nabanggit na ang serbisyo ay bumahagi ng 57.8%; industriya, sa 34.1%; at agrikultura, hunting, forestry at pangingisda (AHFF)sa 8.1%.
Ang datos na ito ang nagkukumpirma kung gaano kalaki ang ating nakamit na pagsulong para sa pagpaaunlad ng ating ekonomiya, na malaking bahagi ay dahil sa pagsisikap ng ating mga mamamayan. Sa kasalukuyan, tinatayang mayroon tayong 108 milyon mamamayan at malayo sa pagiging pabigat, pinatunayan nilang malaking tulong para sa pag-angat ng bansa.
Milyong mga Pilipino ang nagtatrabaho ngayon sa bansa at sa iba pang bahagi ng mundo—mga propesyunal tulad ng doktor, inhinyero, nurse, at mga guro, construction worker, gayundin ang mga caregiver at mga household helper. Magaan ang nagiging pagtanggap sa kanila saan man sila magtungo, na pinupuri hindi lamang dahil sa kanilang mga abilidad sa trabaho ngunit dahil sa kanilang katangian na makipamuhay ng maayos sa mga dayuhang bansa na kanilang pinagtatrabahuhan.
Dalawang linggo pa lamang ang nakararaan, isang kasunduan ang nilagdaan ng Yukon, isang teritoryo ng Canada, kasama ang ating Department of Labor para sa pagtanggap ng 2,000 skilled workers, kabilang ang mga heavy equipment operator, inhinyero, nurses, caregivers at maraming iba pang manggagawa, na maaaring maisama ang kanilang pamilya.
At ngayon nabatid natin na umangat na ang ating industriya ng turismo at paglalakbay bilang pinakamalaking sektor ng ekonomiya sa bansa, na nag-ambag ng 25 porsiyento sa ating GDP. Maaaring hindi natin napaunlad ang sektor ng ating industriya at pagsasaka tulad ng nais natin, ngunit natuklasan natin na umaangat tayo sa turismo at serbisyo. Higit natin itong pagyayabungin, sa pangunguna ni Tourism SecretaryBernadette Romulo Puyat, lalo’t nariyan ang ating mga mamamayan, lugar at serbisyo na nakahanda para sa dumaraming bilang ng mga bisita sa ating makasaysayan at magagandang mga isla.