NAKOPO ng Saint Francis of Assisi College ang solong pangunguna sa Group A ng 19th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) matapos gapiin ang dating walang talo na Our Lady of Fatima University, 68-65, nitong Miyerkoles sa Marikina Sports Center.

Sumandal ang Doves sa dominanteng 23-0 run sa second period para makamit ang sapat na bentahe at mapigilan ang pagbalikwas ng Phoenix para sa ikalawang sunod na panalo.

Naghahabol ang Doves bago rumatsada sina Avi Arellano at rookie Joshua Bongon at ipanday ang pinakamalaking abante sa 35-13. Ngunit, nagawa itong matapyas ng Phoenix sa second half.

Naisalpak ni Nikko Panganiban ang dalawang free throws bago nadepensahan ang pagtatangka ni Cas de Vera sa three-point area para maisalba ang panalo ng Doves.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Nanguna si Panganiban sa Phoenix na may 24 puntos at 10 rebounds.

Sa ikalawang laro, naitala rin ng Technological University of the Philippines ang ikalawang sunod na panalo nang pabagsakin ang City University of Pasay, 94-81.

Nagawang madomina ng bataan ni coach Benedict Martin ang karibal na nakalapit lamang sa unang dalawangminuto ng laro, 7-5.

Pinangunahan nina Ryan Reyes, Julius Garcia, Justin Felomino at John Paul Bayani ang opensa ng TUP para mahila ang bentahe sa pinakamalaking 20 puntps, 79-59.

Nanguna si Reyes sa Gray Hawks na may 21 puntos at siyam na rebounds.

Pinataob naman ng Manuel Quezon University, sa pangunguna ni Carlos Jancinal, ang bagonng miyembro na AMA University, 62-41.

Kumana si Jancinal, nabatak sa Montreal, Canada, ng 23 puntos, anim na rebounds at walong assists.

Nanguna si Gerard Austria sa AMA na may 24 puntos.

Kumabig din ang Enderun Colleges nang paluhurin ang Philippine Christian University, 66-55.