HALOS kasabay ng pagsasabatas ng National Commission for Senior Citizens (NCSC), natapos ko ang pagbabasa ng ‘The Book of Seniors’ na kinapapalooban ng makabuluhang mga impormasyon hinggil sa buhay ng mga nakatatandang mamamayan -- ang sektor ng ating mga kababayan na ang karamihan ay gumanap ng makatuturang misyon noong kanilang kabataan. Naniniwala ako na hanggang ngayon, taglay pa rin nila ang masidhing hangaring gumanap ng tungkuling angkop sa kani-kanilang mga katangian; maaaring magmula sa kanilang hanay ang may kakayahang mamuno sa bagong likhang NCSC.
Sa naturang aklat na sinulat ni Eddie Ilarde, namumukod-tangi ang paksang Kadakilaan sa Katandaan; nagbibigay-pugay ito sa mga senior citizens -- Pilipino man o mga banyaga -- na nagpamalas ng kahanga-hangang ehemplo sa iba’t ibang larangan ng pakikipagsapalaran. Naniniwala ako sa pagbibigay-diin ng naturang book-author na hindi natin mabibilang ang mga taong nagpakita ng halimbawa na nagpapatunay na may kadakilaan sa katandaan; mga tao na ang katandaan ay hindi naging sagabal sa paglilingkod sa kanilang sarili, sa bayan, sa sangkatauhan at higit sa lahat, sa ating Panginoon.
Kabilang sa mga huwarang nakatatanda, halimbawa, si dating Pangulong Fidel Ramos na ngayon ay sumapit na sa mahigit na 90 anyos. Hanggang ngayon, hindi kumukupas ang kanyang mga pagsisikap para sa kapakanan ng sambayanan at sa integridad ng ating Republika. Hanggang ngayon, iniuukol ang kanyang makabuluhang panahon sa pagtataguyod ng pinamumunuan niyang Ramos Peace and Development Foundation (RPDEV).
Kabilang din sa kategoryang ito si dating Senador Juan Ponce Enrile na ngayon ay malapit nang sumapit sa 100 taong gulang. Matagal din siyang naglingkod sa pamahalaan, kaakibat ng pagpapatunay na may kadakilaan nga sa katandaan; nagpamalas ng huwarang pagmamalasakit sa ating mga kababayan.
Hindi maaaring mawala sa naturang hanay ang mismong awtor ng binanggit nating aklat -- si Eddie Ilarde na lalong kilala bilang ‘Kuya Eddie’. Isa siyang dating konsehal ng Pasay City, naging Kongresista ng First District ng Rizal, at naging Senador. Nahalal din siya bilang Assemblyman noong umiiral na ang martial law. Ngayon, siya ay abala sa pagsusulong ng iba’t ibang kilusan na nagpapahalaga sa karangalan ng sambayanan sa pamamagitan ng itinatag niyang Maharlika Foundation for National Transformation.
Bilang isang huwarang nakatatanda, pinamunuan niya ang Golden Eagle Society International, Inc., isang organisasyon na nangangalaga sa kapakanan ng mga senior citizens sa iba’t ibang panig ng daigdig. Hindi maaaring kalimutan na siya ay isang independent radio-tv host, at isang freelance writer.
Mawalang-galang na sa maraming nakatatandang mamamayan na nagpamalas din ng kadakilaan, naniniwala ako na si Ilarde ay karapat-dapat mamuno sa NCSC.
-Celo Lagmay